PINANGANGAMBAHANG milyon-milyong piso ang nakulimbat ng isang Leo Rey Yanson, dating pangulo ng Vallacar Transit Corporation, isa sa pinakamalaking bus companies sa Filipinas.
Ayon kay Vallacar Chief Finance officer Celina Yanson-Lopez, bulto ang pondong nakuha ng dating pangulo na si Yanson.
Ang pondong ito ay pasuweldo sa mahigit 18,000 empleyado ng nasabing bus company na may operasyon sa kalakhang Visaya at Mindanao.
Ayon kay Yanson-Lopez, mula 1-17 Hunyo, umabot sa milyon-milyong pisong pondo ang nakulimbat ni Yanson mula sa Vallacar Transit Corporation nang walang pahintulot.
Kita umano ng mga bus sa buong maghapon ang nasabing halaga at mula sa mahigit 4,000 bus na pumapasada sa Visayas at Mindanao.
Patuloy ang auditing at accounting ng kompanya para malaman ang dami at laki ng mga halagang naipuslit ni Yanson nang walang awtorisasyon mula sa management o sa board of directors ng bus company.
Wala umanong pasabi man lamang kung saan ginastos o dinala ni Yanson ang nasabing malaking halaga.
Nang pormal na tanungin si Yanson kung saan niya ginastos ang pera ng mga empleyado, wala siyang konkretong nasabi.
Ilegal umano ang withdrawals sapagkat walang pahintulot sa management ng bus company. Maaari siyang maharap sa sandamukal na kasong kriminal.
Mahigpit aniya ang regulasyon ng kompanya na ang anomang withdrawals ay daraan muna sa paghingi ng pahintulot sa management, na hindi umano ginawa ni Leo Yanson.
Pinatalsik ang dating pangulong si Yanson nitong nakaraaang araw nang makitaan siya iregularidad sa management ng bus company.
Pinalitan siya ni Roy Yanson alinsunod sa botohan at kagustuhan ng bagong management.
Sa bagong management, kailangan nilang pangalagaan ang kita ng kompanya na pinanggagalingan ng pasahod at benefits ng mga empleyado.
Matagal na umanong ginawang personal na kaharian ni Yanson ang kompanya na kumukuha ng pondo kahit walang pagpayag ang management.