NAKAPAGTATAKA pa ba kung dagsa ang mga Chinese illegal workers sa bansa kung mismong ang nagpapapasok sa kanila ay isang opisyal na nakatalaga sa pangunahing paliparan ng bansa?!
Kung hind pa ito nakararating sa kaalaman ng mga bossing diyan sa Bureau of Immigration Ninoy Aquino International Airport (NAIA) lalo na sa Terminal 2, dapat sigurong sipag-sipagan nila ang pagmamatyag.
Kung tutuusin, simple lang daw ang operation ni Mr. Official alyas Mr. Cheek Boy, tuwing may sasalubungin na GIs.
Sasabihin niyang pinasasalubong ng isang government official o ng isang Chinese organization.
Aba, malapit na nga raw maubos ang listahan ng mga gov’t official ‘kagagamit,’ as in namedropping, para mapapasok niya nang walang aberya at tanong-tanong ang mga kliyente niyang Genuine Intsik na ang purpose ay magtrabaho sa bansa nang palihim.
Ibig sabihin, illegal workers na ang madalas na napapasukan ay online gaming, BPO, at iba pang kompanya na tumatanggap ng Chinese nationals kahit walang kaukulang dokumento.
Noong una umano ay may ‘pakner-in-crime’ si Mr. Cheek Boy, kaya naman hindi lang ‘liglig-siksik’ kundi ‘umaapaw’ ang raket ‘este ang biyaya ni Mr. Cheek Boy at ng kanyang ‘pakner-in-crime’ na si alyas Rico Mambo.
Ang siste, mukhang nagkasira na si Mr. Cheek Boy at ang kanyang pakner-in-crime.
Simula raw kasi nang maagang nagretiro ang kanyang ‘pakner’ sinolo na ni Mr. Cheek Boy, ang kanilang raket.
Kaya raw mas lalo pang naging tiba-tiba si Mr. Cheek Boy.
Bukod sa solong-solo na niya ang kanyag ‘raket’ sa mga GI, e may estilo pa raw na silipin ang ibang mga terminal na hindi naman ‘under’ sa kanya.
Kapag nasipat na may dumaraang GIs sa ibang terminal, aba lagot sila, dahil tiyak na madadale sila ni Mr. Cheek Boy.
Aruyko!
Uulitin lang po natin, kung hindi pa ito nakararating sa kaalaaman ng mga bossing, ipagtanong-tanong na lang ninyo kung sino si Mr. P. as in Mr. Cheek Boy.
Madali po ninyo siyang makikilala dahil agad na ituturo ng mga kasama niya sa trabaho.
O ‘di ba, Mr. Cheek Boy?!
‘Yun o!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap