NAKADALAWANG termino na bilang congressman ay hindi pa rin kilala sa House of Representatives si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, isa sa tumatakbo bilang House Speaker kaya ang naging paraan ng pagpapakilala niya sa mga kapwa mambabatas ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng regalo.
Kinompirma ng isang kongresista na tumangging magpabanggit ng pangalan, na nakatanggap siya ng gift bags na may tatak ng isang malaking kompanya at isang high-end cellphone mula kay Velasco noong buwan ng Mayo o ilang araw pagkatapos ng midterm elections, at alam na kung sino ang mga nanalong mambabatas na bubuo ng 18th Congress.
Hindi nakompirma ng mambabatas kung lahat sila ay ang binigyan o iilan lamang.
Bukod dito, namigay pa ng kahon kahon na inuming nakalakasing si Velasco sa lahat ng congressman noong panahon ng eleksiyon.
“Nasa 50 cases na alak ang ibinigay ni Rep. Velasco at lahat kaming mga congressman ang nakatanggap” kompirmasyon ng isang kongresista na bukod umano rito ay nakatanggap ang ilan sa kanila ng grocery bags noong Pasko.
“Mahilig siyang mamigay, marahil dahil balak na niyang tumakbo bilang Speaker,” dagdag ng isang mambabatas na umamin na nakilala lang niya si Velasco nang magsimulang mamigay ng regalo.
“Sa totoo lang, hindi naman kailangan ng ganitong mga regalo pero ito ang paraan niya ng pagpapakilala dahil hindi nga siya nakilala sa debate o advocacy o performance kaya hindi matunog ang pangalan niya sa halls ng House of Representatives,” pag-amin ng mambabatas.
Dalawang beses nang naging maugong ang pangalan ni Velasco sa Kamara, unang lumutang ang pangalan nito na papalit noon kay House Speaker Pantaleon Alvarez ngunit si Gloria Macapagal Arroyo ang nahirang na Speaker kapalit ng tinanggal na si Alvarez at ikalawa ay magiging House Majority Leader umano kapalit ni House Majority leader Rodolfo Fariñas pero ang naluklok ay si Camarines Sur Rep. Rolando Andaya na kalaunan ay pinalitan ni Capiz Rep. Fredenil Castro.
Tumatakbo ngayon bilang House Speaker ng 18th Congress si Velaso.
Aminado ang political analyst na si Ranjit Rye, ang pagiging bagito ni Velasco ang isa sa magiging kahinaan niya bilang House Speaker, hindi umano madaling trabaho ang maging lider ng Kamara at ang higit na kailangan dito ay experience at pagiging kilala.
“Kung hindi ka kasi kilala how can you represent the House of Representatives” pahayag ni Rye.
Una nang sinabi ni Rye na wala kay Velasco ang kalipikasyon bilang House Speaker.
Ang dalawang kapwa kapartido ni Velasco sa PDP Laban na tumatakbo din bilang House Speaker na sina Alvarez at Pampanga Rep. Dong Gonzales ang nagsiwalat ng suhulan sa Speakership race.
Umaabot umano sa P1-M at aabot hanggang P7-M ang bigayan para makuha ang boto ng bawat kongresista.
Hindi pinangalangan ng dalawa si Velasco pero sinabing nasa likod ng suhulan ang kadikit na isang business tycoon na sinasabing financier ng nabanggit na mambabatas.
HATAW News Team