SINIMULAN na ‘umano’ ng gobyerno ng Estados Unidos na hingin ang detalye ng mga social media accounts ng visa applicants.
Ito raw ay bahagi ng mas pinaigting na screening ng mga potensiyal na immigrants at mga bisita na ipinatupad ng administrasyon ni US President Donald Trump.
Batay sa ulat, maliban sa social media usernames, inoobliga rin ang mga aplikante para sa US visa na isumite rin ang kanilang mga dating email addresses at phone numbers na ginamit nila sa nakalipas na limang taon.
Kailangan isumite ng mga aplikante ang karagdagang impormasyon sa revised application form sa sandaling mag-apply.
Inaasahang nasa 15-milyong banyaga na mag-a-apply ng visa para makapasok sa US kada taon ang maaapektohan ng naturang development.
Dati ay hinihingi lamang ang social media, email at phone number histories ng mga aplikante na dumaan sa masusing pagsisiyasat dahil sa posibleng banta.
Sa pahayag ng US State Department, layon ng karagdagang requirement na paghusayan pa ang screening processes upang pangalagaan ang kanilang mga mamamayan.
Exempted mula sa naturang requirements ang mga aplikante sa partikular na diplomatic at official visa types.