NANINIWALA si Senate President Vicente Tito Sotto III na posibleng makalusot sa 18th congress ang pagbuhay sa parusang bitay.
Nakikinita ito ni Sotto sa pagdomina ng mga kandidato ng administrasyon at pangunguna sa partial and unofficial tally ng ng Commission on Elections (Comelec).
Ayon kay Sotto, karamihan sa mga nasa top 12 tulad ni dating Philippine National Police (PNP) chief at Bureau of Corrections (BuCor) Director Ronald “Bato” Dela Rosa ay sangayon sa death penalty ngunit para lamang sa mga heinous crime tulad ng illegal drug trade.
Ngunit sinabi ni Sotto, kapag ipinilit ang ilang krimen na ipaloob sa death penalty tiyak na maraming senador ang tututol dito.
Sa kabila nito sinabi ni Sotto, hindi prayoridad ng senado ang death penalty ngunit sakaling may maghain nito sa 18th Congress na posibleng si Senador Manny Pacquiao, kanila itong tatalakayin at malaki ang posibilidad na makalusot sa senado.
Kaugnay nito, iginiit ni Senate President Vicente Tito Sotto III na hindi madidiktahan ng Malacañang ang susunod na komposisyon ng mga miyembro ng senado sa 18th Congress.
Ayon kay Sotto, makikita sa mga panayam sa ilang mga kaalyado ng administrasyon tulad ni Dela Rosa na hindi magpapadikta sa Palasyo at aaksiyon base sa kanyang konsensiya.
Inihalimbawa ni Sotto ang kasalukuyang 17th Congress na nanatiling independent ang senado.
Aminado ang pangulo ng senado na sinusuportahan nila si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga batas na sa palagay nila ay makabubuti para sa bayan.
Inamin ni Sotto, nakausap niya si Pacquiao at sinabi sa kanya na nais nina Bato, dating SAP Bong Go, at Francis Tolentino, na ang 18th Congress ay manatili sa pamumuno ni Sotto ang Senado.
nina CYNTHIA MARTIN/niño aclan