8 ‘tauhan’ ni Abby Binay timbog sa vote buying
POSIBLENG maharap sa diskalipikasyon si Makati City Mayor Abigail Binay sakaling mapatunayan ang pagkakasangkot niya sa “vote buying” makaraang mahuli ang nasa 60 katao kabilang ang tatlong opisyal ng barangay sa naturang lungsod kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga opisyal na sina Karen May Matibag, barangay treasurer; Medlyn Joy Ong, barangay secretary; at Marie Antoinette Capistrano, admin officer ng Barangay San Isidro, sa naturang lungsod.
Kabilang sa mga sinasabing bumibili ng boto ay sina Wenifredo Ong Jr., Mario Louis Siriban, Adrian Chiapoco, John Brian Matibag, at Ma. Liberty Dacullo.
Sa ulat ng National Capital Regional Police Office (NCRPO), bandang 10:45 kagabi nang magkasa ng operasyon ang mga tauhan ng Regional Special Operations Unit (RSOU) sa barangay hall ng San Isidro sa No. 2246 Marconi St., matapos makatanggap ng impormasyon hinggil nagaganap na bentahan ng boto.
Inabutan ang mga suspek sa loob ng barangay hall at nakompiska ang P500 bills na may kabuuang halagang P410,000 kasama ang listahan ng mga botante’t presinto at Ulat sa Bayan leaflets ni Mayor Abby Binay.
Sa 52 naaresto, marami sa kanila ay mga senior citizen. Kabilang si Nena Delos Santos, 63, na napilitang matulog sa lapag ng detention area sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
Inireklamo rin niya ang pagtaas ng presyon ng kanyang dugo dahil sa init at kawalan ng tulog.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 261 ng Omnibus Elections Code of the Philippines ang mga nadakip na suspek.
HATAW News Team