LUBOS ang pasasalamat ni San Juan mayoralty candidate Janella Ejercito-Estrada sa mga taga-San Juan nang dagsain ang kanyang campaign rally sa Pinaglabanan Shrine kamakailan.
Sa mga pagtitipon ng supporters ng magkabilang kampo sa lungsod ng San Juan noong nakaraang Sabado, kitang-kita na mas marami ang supporters ni Janella sa kanilang pagtitipon na tinatayang lumagpas ng 30,000 lehitimong residente ng San Juan.
Malayo ito nang anim na beses kompara sa pagtitipon ng kanilang mga katunggali na nasa loob lamang ng Arena Sports Complex na may standing capacity na 5,000.
Ang naturang pagkilos ng supporters ni Janella Ejercito Estrada ay repleksiyon ng mga isinagawang survey ng Pulse Asia at SWS na lumalamang si Estrada sa kanyang katunggali.
Sa nakitang pagkilos ng mga taga-San Juan, tila nagpapatuloy ang pagmamahal nito sa pamilyang Estrada na pinamunuan na sila sa loob nang mahigit limang dekada.
Ngayong araw, 13 Mayo ay magkakaalaman kung si Janella ay mailuluklok kapalit ang last termer na si Mayor Guia Gomez at inaasahan ng una ang muling pagsuporta ng mga taga-San Juan.