Nagsasagawa ang Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) ng masusing imbestigasyon sa sinasabing ilegal na pagtapon ng wastewater sa Marikina River.
Ikinasa ang operasyon nang mai-tag ang mga opisyal ng PRRC sa Facebook viral video na ipinaskil ni Abdusalla Monakil, isang concerned netizen, na makikitang nagdidiskarga ng kemikal na isang ebidensiya ng liquid waste pollution sa Marikina River.
Dahil pangunahing tributaryo ang Marikina River ng Pasig River, inatasan ni PRRC Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” E. Goitia ang agarang imbestigasyon sa ilang establisimyento na hinihinalang sanhi ng polusyon sa ilog at para matiyak na rin kung sumusunod sa mga regulasyon.
“Gagawin namin ang lahat ng administratibo at legal na aksiyon upang matiyak nating maipasara ang lahat ng establisimyentong komersiyal at industriyal na sanhi ng polusyon sa ating mga ilog,” sabi ni Goitia.
Binigyang diin ni Goitia na dapat suportahan ng local government units (LGUs) na nasa tabing ilog ang pagkilos ng pamahalaan upang maprotektahan ang mga daanang tubig.
Bukod rito, patuloy ang pagkuha ng PRRC ng mga basurang lumulutang sa Manila Bay patungong Pasig River na isang indikasyon dahil sa paggalaw ng alon ngayong panahon ng tag-araw.