NAGBABALA ang Bayan Muna laban kay Chairman Agnes Devanadera ng Energy Regulatory Commission na ihahabla sakaling hindi ipawalang-bisa ang sweetheart deals ng Meralco at sister companies nito.
Ayon kay dating kongresista at ngayon ay kandidato para senador na si Neri Colmenares at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, nakatangap sila ng impormasyon na hahayaan ng ERC ang sweetheart deals ng Meralco sa pitong kompanya na nagsusuplay ng koryente sa kanila.
Binalaan ni Zarate si Devanadera na huwag magkamaling gawin muli ang ginawa ng mga dating opisyal ng ERC na sumangayon sa mga kontrata ng Meralco at sa pitong sister companies.
Ayon kay Zarate, dapat ibasura ni Devanadera ang mga deal dahil taliwas ito sa utos ng Korte Suprema na magkaroon ng bidding sa mga magsu-supply ng koryente sa distribution companies gaya ng Meralco bago pumirma ng kontrata sa pagsu-supply ng koryente sa kanila.
Ayon kay Zarate, kuwestiyonable ang mga power supply agreements (PSA) ng Meralco sa mga sister companies nito dahil hindi ito dumaan sa competitive selection process (CSP).
“While earlier ERC accommodations for the Meralco PSAs came before Devanadera assumed ERC’s leadership, we guarantee that any attempt on her part to approve the PSAs despite clear findings of violations would earn for her criminal and administrative charges,” ani Zarate.
ni Gerry Baldo