KAPAG muling mahalal sa Senado, isusulong ni Senador Grace Poe ang panukalang batas upang mabigyan ng pensiyon ang lahat ng mahihirap na nakatatanda o senior citizens sa bansa.
Ipinangako ito ni Poe sa mga residente ng Bayambang, Pangasinan nang mangampanya kamakalawa, 7 Mayo, kasama ang aktor na si Coco Martin ng ‘Ang Probinsyano.’
“Ngayon, sa mga senior citizen naman, ipinapaalala sa akin ni Lola Flora, ‘Grace, ‘wag mong kalilimutan ang mga senior ha?’ Kaya kung manalo akong muli bilang senador, ipapanukala ko na lahat ng seniors na mahihirap, dapat mayroon nang pensiyon,” ani Poe.
Ipinagmalaki rin ng senador ang mga batas na kanyang iniakda na mapapakinabangan na ngayon, tulad ng libreng bayarin sa dokumento ng mga first-time job seeker at ang libreng pananghalian sa mga mag-aaral.
“Nakita naman ninyo, ang magagandang balita na sinabi ko sa inyo, na sa darating na pasukan, lahat ng mga batang walang pagkain, kulang ang timbang at kulang ang nutrisyon, libre na ang pananghalian sa lahat ng public schools,” diin ni Poe.
Nakiusap si Poe sa mga Pangasinense na suportahan ang kanyang kandidatura, lalo pa’t wala siyang kinaaanibang partido o makinaryang gagalaw sa darating na halalan.
“Ngayon, sa aking mga kababayan, hihilingan ko kayo ng tulong kasi alam po ninyo, independent po ako, wala akong partido,” dagdag ni Poe. “Maraming salamat na lang kay Mayor (Cesar Quiambao) na kanya akong tinanggap dito; kasi naman, kababayan ninyo ako.”