IPINAGHARAP ng kasong katiwalian at paglabag sa Philippine Mining Act sa Ombudsman ang alkalde ng Lian, Batangas kaugnay sa pakikipagsabwatan sa ilang malalaking korporasyon upang masalaula ang kanilang kalikasan.
Sa pitong pahinang reklamo, nais ng complainant na si Dennis Ilagan na patawan ng preventive suspension at masampahan ng kasong kriminal si Mayor Isagani Bolompo kasama si Exequiel Robles, pangulo ng Sta. Lucia Land Incorporated.
Bukod sa kasong graft at paglabag sa Philippine Mining Act, ipinagharap din ang alkalde ng kasong paglabag sa Code of Conduct of Government Employees.
May kinalaman ito sa pagbibigay ni Bolompo ng developmental permit sa korporasyon para sa proyekto sa bayan ng Lian kahit walang environmental clearance certificate mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), gayondin ng mga certification mula sa Department of Agrarian Reform at Housing and Land Use and Regulatory Board (HLURB).
Sa katunayan, nagpalabas ang DENR ng cease and desist order laban sa anomang development sa Lian na magdudulot ng pagkasira ng bundok at polusyon sa karagatan.
Sa kabila ng kautusan ng DENR, nagpatuloy ang operasyon ng illegal mining o quarrying sa 84 hectares ng lupain sa Barangay Matabungkay.
Nahaharap din aniya si Bolompo sa kasong malversation of public funds dahil sa pangongolekta ng environmental users fee.
“Parang toll fee dahil ang sinumang papasok sa Matabungkay kahit hindi naman pupunta sa beach at may bibilhin lamang sa tindahan ay hihingan agad ngP25 para raw sa environmental fee,” saad ni Ilagan.
Ayon kay Ilagan, kuwestiyonable ang public hearings at mga meeting na isinagawa para makapagpalabas ng resolusyon sa paniningil ng P25 na sinasabing para sa environmental fee.
Bukod dito, hindi rin maipaliwanag ng lokal na pamahalaan kung saan napupunta ang kanilang koleksiyon gayong walang mga programang pang-kalikasan na inilulunsad sa kanilang lugar.