PATULOY ang legal na pagkabigo ni Japanese gaming tycoon Kazuo Okada na kailan lang ay ipinaaaresto ng korte dahil sa ilegal na paglustay nang milyon-milyong pondo ng magarang Okada Manila sa Parañaque City.
Sa pagkakataong ito, ibinasura ng prosecutor ang mga kasong perjury na isinampa ng kompaya ni Okada na Aruze Phils. Manufacturing Inc. (APMI) laban sa chief executive adviser ng Tiger Resort Leisure & Entertainment Inc., ang may-ari Okada Manila.
Kasama si Okada, inakusahan ng TRLEI ang APMI ng estafa dahil sa pagpanggap nito bilang manufacturer ng light emitting diode (LED) strips para sa Okada Manila.
Sa isang resolution, sinabi ni Las Piñas City Senior Asst. Prosecutor Donald Macasaet na walang elemento ng perjury sa reklamo na isinampa ni TRLEI executive Dindo Espeleta laban sa Aruze.
Idinemanda ng APMI si Espeleta ng perjury sa pagsabi sa isang estafa case laban sa APMI na nanloko ang kompanya matapos pumasok sa isang kasunduan para suplayan ang TRLEI ng LED strips para sa Okada hotel casino.
Bukod sa ibang mga reklamo, inakusahan ni Espeleta na siyang in-charge sa LED project para sa TRLEI, ang APMI ng pagpapanggap na gumagawa ng LED strips samantala kinontrata lamang nito ang isa pang kompanya na J and J Phils. upang mag-suplay ng LED strips.
Sa reklamo ng APMI laban kay Espeleta, sinabi nito na alam ng TRLEI executive na bumibili lang ang APMI ng LED strips at nagsinunglaing nang tatlong beses sa kanyang estafa case tungkol sa usapin.
Pero sinabi ni Macasaet sa kanyang resolusyon na bagamat ginawa ni Espeleta ang mga pahayag sa kanyang affidavit at sa hukuman kung saan isinampa niya ang kasong estafa, wala ang isang pangunahing elemento ng perjury — ang balak na manloko.