PATAY ang isang magsasaka habang tinutupok ng apoy ang kaniyang bahay sa bayan ng Bansalan, lalawigan ng Davao del Sur, nitong Sabado.
Ayon kay P/Maj. Rodante Varona, pagkagaling sa inuman ay natutulog ang biktimang si Bien Rene Mendioro Gallardo, 24 anyos, nang tupukin ng apoy ang kaniyang tahanan sa Barangay Eman sa naturang bayan, pasado 11:00 pm, nitong Sabado.
Sinabi ni Varona, nabatid sa naunang imbestigasyon na nakita ni Marvin Lascania Torreon, 22 anyos at kainuman ng biktima, na nakita niyang nasusunog ang bahay ngunit hindi niya mailigtas ang kaibigan.
Ayon sa pulisya, nag-iinuman sina Gallardo, Torreon at isa pa nilang kaibigang magsasaka na si Lloyd Barro Teves, 35 anyos, bago maganap ang insidente.
Matapos umuwi ang tatlo, matutulog na rin sana si Torreon nang makita niyang nasusunog ang bahay ng kaibigan.
Narinig pa niya umanong sumisigaw si Gallardo at humihingi ng saklolo ngunit wala siyang makitang ligtas na mapapapasukan sa bahay dahil nilamon na ito ng apoy.
Dagdag ni Varona, pinaniniwalaang sanhi ng sunog ang isang water heater na naiwanang nakasaksak at nag-overheat.