UMANI ng papuri at palakpakan ang nagbabalik na alkalde ng Maynila Alfredo S. Lim mula sa mga residente at supporters mula sa sarili niyang kampo at maging sa kampo ng kanyang mga katunggali sa politika nang magpakita ng pagkamaginoo sa pamamagitan ng pagpapahinto sa kanyang motorcade upang batiin at kamayan ang mga nasabing kandidato.
Sa kanyang motorcade sa G. Tuazon sa Sampaloc kahapon, nasalubong ng float ni Lim ang mga float ng mga kandidatong konsehal mula sa tiket ng kanyang katunggali na kasalukuyang alkalde Erap Estrada.
Pinahinto ni Lim ang kanyang float at inilabas ang kanyang katawan at braso upang isa-isa niyang batiin, makamayan at sabihan ng ‘good luck’ ang mga nasabing kandidato, kasama na ang anak mismo ni Estrada na kandidato rin.
Bilang ganti ay nakipagkamay din ang mga nasabing kandidato at nagpasalamat kay Lim habang ang kanilang mga kasamang supporters ay nagsipagkaway din kay Lim, na marami ang nag ‘L’ sign at humihingi pa ng t-shirts at tarpaulins.
Nang makita ang ginawa ni Lim, nagpalakpakan at naghiyawan ang mga residente na nakapila sa kalsada na daraan ang float ni Lim kasabay ng paulit-ulit na pagsigaw ng “Mayor Lim! Mayor Lim!”
Ani Lim, siya ay nagulat at natuwa sa reaksiyon sa kanya hindi lamang ng mga kandidato kundi maging ng mga supporters nila.
Dagdag niya, ang buhay umano ay hindi natatapos sa politika lamang at wala umano siyang nakikitang dahilan upang maging personal o ‘di pansinin o tingnan nang masama ang mga kandidato na lumalaban sa tiket ng kanyang mga kalaban sa politika.
“Kung saan sila masaya, doon sila. Inirerespeto ko ang kagustuhan ng bawat tao. Para sa akin, isang araw lang ang politika at ‘yan ay sa araw lang ng halalan. Maski ‘yung mismong mga kalaban ko talaga sa pagka-alkalde, kakamayan ko rin kapag nakita ko,” pahayag ni Lim.
Para umano kay Lim, hindi niya kinakailangang gumamit ng maruming uri ng kampanya o pamomolitika dahil siya ay tumatakbo bitbit ang kanyang track record, gaya ng pagpapatayo ng City College of Manila (ngayon ay Universidad de Manila) na nagbibigay ng libreng edukasyon sa kolehiyo; pagpapatayo ng lima sa anim na city hospitals – isa kada distrito — na nagbibigay ng libreng hospital care, treatment at mga gamot; 485 daycare centers, 97 karagdagang bagong buildings para sa elementary at high school, 59 barangay health centers, at 12 lying-in clinics o paanakan gayondin ang 130 kalsada na ipinaayos o ipina-upgrade sa ilalim ng kanyang administrasyon.