ISUSULONG ng Ang Probinsyano Party-list (APPL) ang Agritech Extension Program kapag naupo ito sa Kongreso upang maipag-ibayo ng mga magsasaka ang produksiyon ng kanilang mga pananim.
Sa ilalim ng programa, bibigyan ng mga motosiklo ang mga agri-tehnician at maayos na internet connection naman para sa mga magsasaka.
Ayon kay Alfred Delos Santos, kinatawan ng Ang Probinsyano Party-list, ang pagbibigay ng motorsiklo sa mga agri-technician ay makatutulong nang malaki sa paghahatid ng kaalaman at mga proyekto.
“Kapag ang ating mga agri-technician ay epektibo sa kanilang pagbabahagi ng teknikal na kaalaman sa ating mga magsasaka, sila ay makatutulong upang lumakas ang kanilang kita at pagkakataon na magkaroon ng mga oportunidad na umunlad ang kanilang buhay,” ani Delos Santos.
Mas malimit din na makapagbisita ang agri-technician sa mga sakahan kung may sariling gamit pangtransportasyon, dagdag ni Delos Santos.
Ang Filipinas ay agrikultural na bansa na may lupang umaabot sa 30 milyon hektarya at 47 porsiyento nito ay ginagamit sa pananim.
Ang agrikultura ay may 20 porsiyento na kontribusyon sa ating gross domestic product or GDP.
Ang agrikultura ay gulugod ng ating ekonomiya. Sa kanayunan, nananatili pa rin ang problemang pang transportasyon.
Malaki ang pangangailangan ng mga nakatira sa mga probinsya sa maayos na transportasyon.
Kabilang sa mga isusulong na batas ng Ang Probinsyano Party-list ay ang bigyan ang mga magsasaka ng kakayahan na magsaka sa tulong ng teknolohiya.
Kapag ang mgasasaka ay may magandang pagkukunan ng internet, malalaman nila ang kasalukuyang lagay ng panahon, makabagong sistemang pang-irigasyon na base sa temperatura at pagmo-monitor ng mga peste.
Kamakailan lang ay ilang mga artista ang naglahad ng kanilang pagsuporta sa Ang Probinsyano Party-list dahil na rin sa mga platapormang ito tulad nila Ryza Cenon, Meg Imperial, Yassi Pressman at Coco Martin.