PATAY ang tiyuhin na US citizen at isang therapist habang sugatan ang isang nurse nang mag-amok ang pamangkin na adik sa San Juan City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Col. Ariel Fulo, chief of police, ang mga napatay na sina Catalino Bañez, US citizen, at Ma. Teresa Antiquera, na idineklarang dead on arrival sa pagamutan.
Sugatan din ang nurse na si Rhea Antonio, 33 anyos, kasamang nakatira ng mga napatay na biktima sa 242 Barasoain St., Brgy. Little Baguio sa lungsod.
Arestado ang suspek na si Roberto Bañez, 59 anyos, pamangkin ni Catalino at nakatira rin sa lugar.
Dakong 8:30 pm, habang nanonood ng TV ang mga biktima ay dumating ang suspek at pumasok sa loob ng bahay at walang sabi-sabing pinagbabaril ang mga biktima na kapwa fatal ang tama habang nagawa pang makatakas ng sugatang nurse.
Agad namatay si Catalino habang naisugod pa sa Cardinal Santos Medical Center si Antiquera ngunit namatay din habang nilalapatan ng lunas.
Nakipagbarilan ang suspek sa mga awtoridad dakong 12:15 am matapos magresponde sa krimen kaya’t kinailangan gumamit ng tear gas ang mga pulis upang madakip ang suspek.
Narekober sa crime scene ang isang 12 gauge shotgun, isang kalibre 45 at isang kalibre 22 na mga baril.
Nabatid sa pulisya na ikalawang beses na itong pag-aamok ni Roberto ngunit hindi nakulong dahil walang nagreklamo.
Kasong double murder, attempted homicide, illegal possession of firearms, paglabag sa Comelec gunban ang kinakaharap ng suspek habang nakapiit ito sa detention cell ng pulisya.
(EDWIN MORENO)