NANAWAGAN si dating Senador Mar Roxas sa gobyerno na suspendihin ang automatic visa sa mga Chinese dahil naaagawan na ng trabaho ang mga Filipino.
“Para sa akin, ‘yang automatic visa granting, itigil na ‘yan dahil inaagaw ng mga dayuhang Chinese ang mga trabaho dito sa Filipinas. Hirap na nga ang mga Filipino na makahanap ng trabaho. Hirap na tayo na lumikha ng trabaho para sa mga Filipino. Tapos bigla na lang papapasukin?” sabi ni Roxas na nag-ikot sa Catarman, Northern Samar.
Ayon sa senatorial candidate, halos lahat ng ibinigay na trabaho sa mga Chinese ay kayang gawin ng mga Pinoy kaya’t hindi makatuwiran na bigyan ng importansiya ang mga nasabing dayuhan.
“Anong espesyal na kakayahan ng mga Chinese na hindi naman kaya ng mga Filipino pagdating sa construction, sa pagka-karpintero, pagiging mason?” saad ni Roxas.
Binanggit ni Roxas na binabantayan dapat ng gobyerno ang bilang ng mga Chinese na pumasok at nagtatrabaho sa bansa upang maberipika kung nagbabayad sila ng buwis sa gobyerno.
“Bilangin natin ilan na ba silang nakapasok dito? Saan sila nagtatrabaho? Nagbabayad ba sila ng tamang buwis tulad ng mga Filipino? Dapat monitored talaga,” giit ni Roxas habang nag-iikot sa Catarman Public Market.