IPINAMAMADALI ng Quezon City for Good Governance (QCGG) sa Sandiganbayan ang desisyon sa kasong isinampa ng Office of the Ombudsman laban kay Rep. Vincent “Bingbong” Crisologo kaugnay ng pork barrel scam na kinasasangkutan nito.
Ayon sa QCGG, Oktubre 2017 pa nang kinasuhan si Crisologo matapos madiskubreng naglaan ng P8 milyon sa isang bogus NGO noong 2009.
Sa isinampang kaso ni former Ombudsman Conchita Carpio Morales, si Crisologo ay dalawang beses lumabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act bukod pa ang malversation of public funds at dalawang ulit pang palsipikasyon ng public documents.
Kasama ni Crisologo sa mga kinasuhan ng Ombudsman sina dating DSWD secretary Esperanza Cabral, DSWD undersecretaries Mateo Montano, Lualhati Pablo, Assistant secretary Vilma Cabrera, Chief Accountant Leonila Hayahay at Assistant director Pacita Sarino.
Ang opisyal din ng bogus NGO na Kalookan Assistance Council, Inc (Kaci) na si Cenon Mayor ay kinasuhan ng Ombudsman bilang beneficiary ng P8 milyong pondo mula sa pork barrel ni Crisologo.
Ayon sa Ombudsman, lumitaw sa pag-iimbestiga ng Task Force PDAF, na inendoso ni Crisologo ang KACI na mangasiwa ng implementasyon ng social services project gaya ng pagkargo sa medical and hospitalization, transportation, calamity, death, burial, educational expenses at iba pang program gayong hindi naman ito lehitimong organisasyon.
Maging ang supplier ng KACI na Silver A. Enterprises ay hindi rin nakarehistro bilang business entity na lalong nagpatindi sa pananagutan ng kongresista sa paglalaan ng P8 milyon sa bogus NGO.
“Kung iyong ibang senador ay nakulong dahil sa alegasyon ng paglaan ng pondo sa pekeng NGO, bakit si Congressman Crisologo ay nasa laya pa rin?” tanong ng QCGG.
Nanawagan din ang QCGG sa Sandigan na huwag pairalin ang selective justice kung talagang gusto nitong magkaroon ng malinis na pamahalaan.