POSIBLENG may “fake news” na kumalat patungkol sa umano’y pagnanakaw ng Yolanda funds, ngunit hindi dapat kalimutan ng publiko ang pagpapabaya at pagkukulang ng pamahalaan sa nangyaring krisis.
Ito ang pahayag ng broadcast journalist at kandidato para sa Senado na si Jiggy Manicad bilang sagot sa isang statement mula sa kampo ni dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas na nagbabala sa publiko tungkol sa “fake news” na umiikot ukol sa Yolanda funds.
Maaalalang si Manicad ang nanguna sa tanging TV broadcast na napalabas sa bansa sa kasagsagan ng bagyo.
“Kasama kami ng mga taga-Leyte noong rumagasa ang bagyong Yolanda. We thought we were going to die. We were the first and only network to go live then. To the horror of the victims in the hours, days following the typhoon, wala pa rin tulong. Konti pa lang ang rumeresponde,” ani Manicad.
“Kaming reporters we all knew that the biggest typhoon on record was coming. Surely, alam din ‘yan ng DILG. Bakit nagkulang pa rin tayo sa agarang pagsu-supply ng tubig, koryente, pagkain pagkatapos ng bagyo?” tanong ng mamamahayag.
Noong Huwebes, sinabi ng spokesman ni Roxas na si Caloocan Rep. Edgar Erice, ang testimonya ni Senator Panfilo Lacson na nagsasabing hindi naman ninakaw o ginamit sa maling paraan ni Roxas ang Yolanda funds ay nagpapawalang-bisa sa anomang “fake news.”
Si Lacson ang nagsilbing “rehabilitation czar” matapos ang nasabing bagyo. Sa kabila nito, iginiit ni Manicad na hindi dapat kalimutan ng publiko ang kapabayaan ng gobyerno sa pagtutok sa pinsalang idinulot ng bagyo.
“One could clearly point out the lack of structure and coordination. It took days sometimes just for bodies to be picked up, for some areas to receive water. Nagnanakawan, nagkakasakitan na ang mga tao,” ani Manicad.
“With respect to former Sec. Mar, ‘yun naman ay hindi fake news. Tanungin n’yo na lang po ‘yung mga taga-Leyte,” dagdag niya.
Ayon sa mga mamamahayag, mahigit dalawang dekada nang nagbabalita ukol sa mga krisis at sakuna sa bansa, kailangang alalahanin ang mga aral na napulot mula sa Yolanda bilang paghahanda sa mga darating na sakuna.
“Ngayon, may water crisis po tayo. May El Niño at ilang bilyon na ang nawala dahil sa tagtuyot. Ito pong mga sitwasyon ay padalas nang padalas. Oras na para isulong natin ang angkop at agarang aksiyon pagkatapos ng sakuna, at mag-implement ng long-term solutions para maiwasan ang grabeng mga epekto nito,” panawagan ng kandidato. (JG)