NAGHAIN ng opposition letter sa Commission on Elections ang mga kandidato ng ruling party na Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban) at ng local party na Bagong Lakas ng Nueva Ecija (BALANE) upang hadlangan ang pagnanais ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija na magpalusot ng multi-milyong pisong pondo sa kabila ng umiiral na election ban.
Sa apat-pahinang opposition letter na ipinadala kay Comelec Chair Sherrif Abas noong Lunes (25 Marso 2019), iginiit ng apat na kandidato ng PDP-Laban/BALANE na hindi dapat payagan ng Comelec ang hiling ni incumbent Governor Czarina Umali na magpalabas ng P500 milyon para sa iba’t ibang proyekto sa kabila nang umiiral na election ban.
Ito ay pirmado nina Virgilio Bote, provincial chairman ng PDP-Laban at kandidato sa pagka-gobernador ng Nueva Ecija; Board Member Edward Thomas Joson, kandidato sa pagka-bise gobernador; reelectionist 3rd District Rep. Rosanna V. Vergara; at reelectionist 1st District Rep. Estrelita B. Suansing.
“We received information that our incumbent governor filed an action before the Comelec requesting for the utilization of budget items of the province of Nueva Ecija during the election ban period under the Omnibus Election Code,” saad sa petisyon.
Copy-furnished sa naturang petisyon ang opisina ni Pangulong Rodrigo Duterte, Sen. Aquilino “Koko” Pimentel, chairman ng Senate electoral reforms and people’s participation, at Rep. Sherwin Tugna ng House committee on suffrage and electoral reforms.
Nangangamba ang mga opisyal na baka gayahin ng ibang local government units (LGUs) ang pagbalewala sa Omnibus Election Code kung papayagan ang hirit ni Umali na magpalusot ng pondo sa kabila nang umiiral na election ban ng Comelec.
Sa pagbusisi sa naturang budget exemption, malinaw umano na gustong pondohan ni Umali ang mga programang makatutulong sa kanilang pangangampanya.
Si Umali ay kumakandidato sa pagka-kongresista sa ikatlong distrito ng Nueva Ecija, habang ang kanyang esposo na si Aurelio Umali ang hahalili sa kanyang iiwang puwesto sa pagkagobernador; at ang bayaw na si Anthony Umali ay kumakandidato sa pagka-bise gobernador.
Ayon sa mga opisyal, nakapagtataka umano kung bakit ngayon lang ilulusot ng provincial government ang “aid to component LGUs” na nagkakahalaga ng P100 milyon at kung bakit bubuhusan nang malaking pondo ang “Aid to Vice Mayor’s League.”
“Malinaw naman kung ano ang kanilang pakay kung bakit kailangang ilusot ang P500 milyon. Popondohan nila ang projects at programs to advance their election agenda at hindi para tulungan ang aming mga kalalawigan,” ani Bote.
“Wala sigurong problema sa pagpapalabas ng pondo kung ito ay para sa totoong programa sa aming mga kalalawigan. May umiiral na election ban sa pagpapalabas ng pondo, pero itong aming gobernador ay nagpupumilit na magpalusot ng P500 milyong pondo. Hindi maiwasang magduda na baka gamitin ito sa kanilang pangangampanya,” giit ni Joson.
Hiling ng mga kandidato, ibasura ng Comelec ang hirit na exemption ng gobernadora sa pagpapalabas ng pondo ng probinsiya dahil magagamit lamang umano ito sa pangangampanya ng mga Umali at hindi para sa ikabubuti ng kanilang mga kalalawigan.
HATAW News Team