MAHIGPIT na ipinagbabawal ang pag-aangkat ng mga nakalalasong kemikal gaya ng chemical fertilizers at pesticides sa ilalim ng Republic ACT 6969 na pinirmahang maging batas ni dating Pangulong Corazon Aquino noong 1990.
Pinagtibay ito ng Republic Act 10068 o Agricultural Organic Act na naging batas sa ilalim ng administrasyon ni Gloria Macapagal-Arroyo na ngayon ay kinatawan ng pangalawang distrito ng Pampanga.
Nag-isyu rin si Arroyo ng Proclamation Order 2083 na nag-uutos sa Fertilizer and Pesticide Authority na gumamit ng mga organic na fertilizer at pesticide, at itigil ang pag-aaprub ng mga produktong may nakalalasong kemikal.
Tintukoy ng parehong batas ang mga parusa sa mga lalabag dito, ayon sa BABALA (Bayan Bago Ang Lahat), isang pribadong grupong layuning magbigay ng impormasyon sa publiko.
Samantala, ang dalawang batas na ito ay hindi naman nakababawas sa mga pinsalang idinudulot sa agrikultura lalo sa mga tao, halaman, at kapaligiran ng mga patabang gawa sa kemikal, ayon kay Gerry Constatino, informant ng BABALA.
Napag-alamang ang mga patabang gawa sa kemikal ay acidic at nakababansot ng mga pananim.
Dagdag ni Constantino, “Bakit natin kailangang mag-angkat ng mga nakalalasong kemikal kung mayron naman tayong epektibong vermicast organic fertilizers at indigenous, natural botanical pest control in-puts na ligtas sa mga tao, halaman at kapaligiran.
Sa Japan, mababa na ang paggamit ng chemical fertilizer matapos maospital ang ilang magsasaka dahil dito na ikinamatay ng dalawa sa kanila.
Nananawagan din si Constantino sa mga magsasaka na gawin ang kanilang bahagi sa pag-aalaga sa agrikultura.
Dagdag niya, mayamang bansa ang Filipinas na kayang sumustento sa pangangailangan natin sa pagkain at maaari nang tumigil sa pag-aangkat ng mga pangunahing pangangailangan galing sa ibang bansa, lalo na ng bigas na bilyon-bilyon ang nalulugi sa pamahalaan dahil dito.