MULING nagpahayag si Senadora Grace Poe ng labis na pagkabahala sa pagdami ng hindi dokumentadong Chinese na nagtatrabaho sa Filipinas dahil tila mawawalan ng trabaho ang mga Filipino.
Giit ni Poe, hindi dapat pumasok ng bansa ang mga nasabing dayuhan sa pagkukunwari bilang turista ngunit magtatrabaho naman pala.
Aniya, dapat mas maging mahigpit ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Bureau of Immigration (BI) sa visa issuance.
Inihayag ni Poe, ilang Chinese ang gumagamit ng ilegal na pasaporte ng Filipinas para lamang makapagtrabaho sa bansa.
“Ayaw kong mga Filipino ang nawawalan ng trabaho at kailangang mangibang bansa pa sila,” pahayag ni Poe.
Nanawagan din si Poe na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa loob ng mga ahensiya at bumisita sa mga lugar kung saan sila nagtatrabaho para masigurong may kaukulan silang dokumento.
May natanggap na ulat si Poe na mga Chinese national ang magsisilbing construction workers at contractors sa rehabilitasyon ng Marawi. Dapat aniyang mauna munang makinabang ang mga Filipino sa trabaho roon.
Ang pagdami ng Chinese nationals ay nagreresulta rin sa paglobo ng presyo ng ari-arian tulad ng condominium kaya inilinaw ni Poe na maaaring ito ay dulot ng “superficial market conditions” dahil sa pangangailangan sa espasyo.