GUSTO ni former DILG secretary Mar Roxas na maging mandatory ang body camera sa mga pulis at sa mga patrol car na ginagamit sa kanilang operasyon laban sa mga kriminal.
Ayon kay Roxas, sa pamamagitan ng mga camera na naka-on 24/7 habang nakakabit sa katawan ng mga pulis at sa mga sasakyan nila; matitiyak na makukunan ang lahat ng pangyayari sa tuwing may operasyon ang mga alagad ng batas.
Sa pamamagitan ng episyenteng gadget na ikakabit sa mga pulis at sa kanilang mga patrol car, magkakaroon ng dokumentasyon ang galaw ng mga awtoridad.
“Gusto natin ng full transparency sa operasyon ng pulis kahit pa sila ay nasa presinto lang o nagpapatrolya dahil dito natin makikita ang tunay na diwa ng to serve and to protect motto ng PNP,” sabi ni Roxas na naglunsad ng “Oplan Lambat Sibat” laban sa mga kriminal noong DILG secretary siya.
Sa pamamagitan ng Oplan Lambat Sibat ni Roxas, mas naging agresibo ang kampanya ng PNP laban sa mga kriminal na nagresulta sa pagbaba ng krimen sa buong bansa.
“Kung may camera sa katawan ang pulis, mas magiging madali ang imbestigasyon natin kapag may mga alegasyon ng foul play o nang-agaw ng armas ang kriminal kaya napatay, both side ang proteksiyon nito, pati integridad ng PNP, maiingatan din natin.” dagdag ni Roxas.
Naniniwala si Roxas sa katapatan sa serbisyo ng maraming pulis kaya kabilang sa kanyang prayoridad sa pagbabalik sa senado ang pagsusulong ng mas maraming benepisyo sa mga unipormadong kawal ng bansa.