HINDI pabor ang Palasyo sa panukala ni National Youth Commission Ronald Cardema na tanggalan ng scholarships ang mga kabataang estudyante na sumasama sa mga rally.
“We are government of laws, not of speculations. Kung sinususpetsahan lang natin, hindi naman pupuwede iyon, kailangan mayroon tayong ebidensiya mga parte nga sila ng mga grupo na laban sa gobyerno. Kung sila ay sumasama lang sa mga rally, that’s their right—that’s their right – that’s freedom of expression and freedom of assembly,” ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo sa press briefing kahapon sa Malacañang.
Giit ni Panelo, dapat ay may kongkretong ebidensiyang pinanghahawakan na kasapi nga ng isang organisasyon o grupong komunista na laban sa gobyerno ang mga estudyante bago patawan ng marahas na hakbang ng gobyerno tulad ng pagtatanggal ng karapatan para sa libreng edukasyon.
“Unless you can show us concrete evidence that they are really part of those forces against the government, hindi naman pupuwede iyon,” dagdag niya.
Paglilinaw ni Panelo, ang pagiging miyembro ng isang left leaning group ay hindi pa rin sapat na dahilan pero kung makikitang may pakikisangkot sa pagpaplano para pabagsakin ang gobyerno, ibang usapan na aniya ito.