NANGUNGUNA pa rin sa pinakapinipiling kandidato sa pagka-senador ang reeleksiyonistang si Sen. Grace Poe, batay sa bagong survey na isinagawa ng Pulse Asia para sa nalalapit na 2019 elections.
Nakakuha ng 74.9 porsiyentong (%) vote preference si Poe at hindi natinag sa unang posisyon ng listahan ng mga kumakandidatong senador.
Malayo naman ang agwat ng sumunod kay Poe na si Sen. Cynthia Villar na nakakuha ng 60.5% boto mula sa mga tinanong.
Sumunod kina Poe at Villar ang mga nagbabalik sa Senado na sina Taguig City Rep. Pia Cayetano at dating senador Lito Lapid na statistically tied sa ikatlo hanggang ikaanim na puwesto sa natamong 53.3% at 53% na sinundan din ni Sen. Nancy Binay (50.1%).
Pasok sa Magic 12 sina Sen. Edgardo ‘Sonny’ Angara (48.8%), Sen. Koko Pimentel (45.5%), Bong Go (44.7%), Jinggoy Estrada (44.3%), Mar Roxas (41.8%), Ilocos Rep. Imee Marcos (41.2%), dating senador Bong Revilla (40.2%), Sen. Bam Aquino (38.5%), dating senador Serge Osmeña (37.7%) at dating Police Chief Bato Dela Rosa (36.9%).
Isinagawa ang survey simula 26-31 Enero 2019 sa 1,800 respondents.
Nagpahayag nang lubos na suporta sina Batangas Cong. Vilma “Ate Vi” Santos, ang kanyang mister na si Sen. Raph Recto kay Poe at mga reeleksiyonistang sina Sen. Bam Aquino, Nancy Binay, JV Ejercito at Sonny Angara sa proclamation rally kamakalawa ng gabi sa Lipa City, Batangas.
“Kapuri-puri naman talaga ang mga nagawa ni Sen. Grace Poe sa Senado lalo sa kanyang pagmamalasakit sa mga bata at kabataan,” ayon kay Ate Vi.
“Kaya kami ni Batangas Gov. Dodo Mandanas at ng aking mister na si Raph ay todo-suporta kay Sen. Poe at sa kanyang mga kaalyadong reelectionist senators.”