TOSTADO ang tatlong-buwang sanggol na babae makaraan masunog ang kanilang bahay nitong Miyerkoles ng hapon.
Halos uling na nang matagpuan ang bangkay ng sanggol na si Alex Cabil.
Ayon kay Supt. Paul Pili, fire marshal ng Pasay City Bureau of Fire and Protection (BFP), sa Saint Francis St., Bgy. 178, Maricaban, sa kapitbahay ng mga magulang ng biktima na sina Jordan Madrid at Roxqnne Cabil, nagsimula ang sunog dahil sa naiwanang kandila dakong 5:27 ng hapon.
Sa pahayag ng ama ng biktima na si Madrid, iniwan niya ang kanyang dalawang anak kasama ang sanggol sa loob ng kanilang bahay dahil bibili siya ng ulam, habang ang ina ay nagsasanay sa pagiging call center agent.
Sumiklab ang sunog mula sa kanilang kapitbahay kaya nakatakbo palabas ng bahay ang isa sa kanilang mga anak na nakaligtas ngunit ang sanggol ay naiwan sa loob.
Sugatan si Madrid dahil tinangka niyang iligtas ang bunsong anak, ngunit huli na ang lahat dahil kasama na sa natupok ng apoy.
Dahil gawa sa light materials, nasa 10 kabahayan ang nilamon ng apoy at nasa 29 pamilya ang nawalan ng tahanan, na aabot sa P.2 milyon ang halaga ng mga ari-ariang napinsala.
Nabatid na umabot sa ikalawang alarma ang sunog at 9:12 pm idineklarang fireout.
Dumating kahapon ng tanghali si dating Presidential Staff Christopher Laurence “Bong” Go sa mga nasunugang pamilya habang sila ay nasa covered court ng Bgy. 178.
Namahagi ng tulong financial si Go, sa mga nasunugan.
Ayon sa BFP, patuloy nilang iniimbestigahan ang naturang insidente.
ni JAJA GARCIA