DALAWA ang kompirmadong patay sa tinatayang P6-milyong sunog na 800 pamilya ang nawalan ng tahanan at ngayon ay nasa covered court sa Sabuena Compound, Cainta, Rizal.
Kinilala ng Cainta Fire Department ang mga biktimang namatay na sina Maria Refol Cabucas, 81 anyos, at Jhon Bell Lorenzo, 26 anyos, kapwa residente sa lugar.
Sa inisyal na imbestigasyon, dakong 5:00 pm kamakalawa nang nangyari ang sunog sa Sabuena Compound., sa kanto ng Ortigas Ave., at Felix Avenue.
Ayon sa ilang kapitbahay, mula sa naiwang nakasinding kandila ng isa umanong ‘adik’ ang pinagmulan ng sunog.
Ayon sa ulat, halos hindi na makilala ang bangkay ng dalawa nang marekober ng mga awtoridad.
Ang 800 pamilya na nawalan ng bahay ay pansamantalang nasa covered court ng Brgy., Sto. Domingo.
Nagsimula na rin umanong ayusin ng mga residente ang kanilang mga bahay sa tulong ni Cainta Mayor Kit Nieto.
(EDWIN MORENO)