PAGMAMAHAL na lang ang kayang isukli ni senatorial candidate Mar Roxas sa kanyang social media bashers, mga kritiko at haters.
Ayon kay Roxas na dating Trade and Industry at DILG secretary, ang tingin niya sa mga kritiko ay parang mga kaibigan na lamang na nagpapaalala sa kanya na gumawa lagi nang tama at magsulong ng mga programa para sa bayan.
“Masigla ang ating demokrasya, may kalayaan ang lahat na magsabi ng kanyang mga saloobin sa anomang bagay at ihayag ang kanilang pagtingin sa kanino mang tao, iyong mga kritiko ko, hindi naman sila bago, palagi ko naman silang nakikita at naririnig kaya natutuhan ko na silang mahalin,” sabi ni Roxas na dati rin naging kongresista at senador.
Gayonman, sinabi ni Roxas na hindi naman mapapatigil ng mga batikos ang kanyang mga gustong isulong na pagbabago sa kabuhayan ng maraming jobless citizens, pagpapalawak ng BPO o business process outsourcing na sinimulan niya noong nasa DTI pa siya at pagbabantay sa mga presyo ng bilihin.
“At the end of the day, alam kong matutuhan din akong mahalin ng aking haters dahil kapag nag-imbentaryo sila ng mga nagawa ko para sa bayan, makikita nila ang sinseridad ng aking layunin,” sabi ni Roxas na patuloy ang pagtaas ng ranking sa ginagawang surveys ng SWS at Pulse Asia.
Hinikayat ni Roxas ang kanyang mga mahal na kritiko na mag-isip din ng mga plano para sa bayan at huwag lamang ubusin ang lakas sa pagbatikos sa kanya upang magkatulong ang lahat sa pagsasaayos ng bansa.