UNANG pagtatambal nina Xian Lim at Louise del Rosario ang bagong handog ng Viva Films, ang Hanggang Kailan na pinamahalaan ni Bona Fajardo at mapapanood na sa Pebrero 6.
Handa ang Kapuso turned Kapamilya actress na magtagal sa showbiz, kaya naman game siya anumang role ang ibigay sa kanya. Kung ating matatandaan, ang huling teleseryeng kinabilangan niya ay ang Asintado na pinagbidahan ni Julia Montes sa ABS-CBN at Para sa Broken Hearted (October 2018) ang huling pelikulang ginawa.
Kaya kaabang-abang kung ano ang bagong maipakikita ni Louise sa kanyang fans ngayong katambal niya ang Chinito Heartthrob.
Higit naman pa sa pag-arte ang kontribusyon ni Xian sa pelikulang ito dahil ang kanyang production house na XL8, ang isa sa mga bumuo nito kasama rin ang BluArt Productions.
Tulad ni Louise, hindi takot si Xian na sumubok ng mga bagong bagay. Noong nakaraang taon, sinimulan niya ang karera sa basketball. Siya ay kasalukuyang naglalaro para sa Mandaluyong El Tigre sa MPBL (Maharlika Pilipinas Basketball League). Kasama rin siya sa box-office hit movie na Miss Granny.
Ang Hanggang Kailan ay sinasabing katulad ng mga pelikulang 100 Tula Para Kay Stella at Sid & Aya (Not a Love Story), na may kakaibang tema ng pag-ibig. Gumaganap sina Xian at Louise bilang sina Donnie at Kath, magkasintahang nagdiriwang ng kanilang ikalawang anibersaryo. Ngunit sa kabila ng kanilang pagmamahalan, napagkasunduan nilang tapusin na ang kanilang relasyon.
Bago tuluyang maghiwalay, kumuha ng ilang araw na bakasyon ang dalawa sa Saga, Japan. Sa gitna ng magagandang tanawin, may mga bagong alaalang mabubuo, may mga pusong madudurog. At noon pa man, alam nilang mangyayari ito.
Ang istorya nito’y mula sa kuwento ni Onay Sales na binigyang kulay ng director din ng mga pelikulang I Found My Heart in Santa Fe, Kahit Ayaw Mo Na, at Iliw. (MVN)