INIIMBESTIGAHAN ng pamahaalan ang naganap na ‘data breach’ na inianunsiyo ng kompanyang Cebuana Lhullier (Cebuana) nitong Sabado, na sinabing apektado ang personal data nang higit 900,000 nilang kliyente.
Inihayag ng Cebuana na maaaring makuha ang mga personal na impormasyon gaya ng kaarawan, address, at source of income ng mga kliyente sa nakompromisong e-mail server.
Sa opisyal na pahayag ng Cebuana, natuklasan nila ang data breach na nakaapekto sa e-mail server nila na ginagamit nila sa marketing.
Iginiit ng kompanya na sa kabila ng date breach, nananatiling ligtas ang transaction details ng kanilang mga pangunahing server.
Ipinaliwanag ni National Privacy Commissioner Rolly Liboro, dapat matukoy isa-isa ang mga apektadong datos o kliyente upang maiwasan ang mas malalang pinsala.
Ayon naman sa isang eksperto, maaaring makalap ang ilan pang pribadong impormasyon ng kliyente dahil sa data breach.
“Ito kasing mga datos na ito na naee-extract like bank accounts maaari kasing ma-monetize para manakaw sa mga tao,” ayon kay Henry Lee, senior cybersecurity consultant ng Indra Philippines.
Hiningi ng House Committee on Banks and Financial Intermediaries ang tulong ng Anti-Cybercrime unit ng National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) para makipag-ugnayan sa Bangko Sentral ng Pilipinas at iba pang mga institusyong pinansiyal upang imbestigahan ang breach. (KLGO)