NUEVA ECIJA — Tablado ang tangkang pagbabalik-politika ni ex-governor Aurelio “Oyie” Umali sa Nueva Ecija matapos hatulan ng Office of the Ombudsman ng perpetual disqualification dahil sa multi-million Priority Development and Assistance Fund (PDAF) scam.
Naghain ng petisyon sa Commission on Elections (Comelec) noong 26 Nobyembre 2018 si Virgilio Bote, kandidato sa pagka-gobernador ng Nueva Ecija, upang hilinging ibasura ang certificate of candidacy (COC) ni Umali.
Pinadalhan ng Ombudsman ang Comelec ng kopya ng hatol na perpetual disqualification laban kay Umali hinggil sa kasong malversation of public funds at violation of section 3(e) ng Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) kaugnay sa pakikipagsabwatan sa mga bogus na foundations ng reyna ng pork barrel fund scam na si Janet Lim Napoles.
Ibinasura ang motion for reconsideration (MR) ni Umali noong 29 Setyembre 2017 at ipinasampa sa Sandiganbayan ang kaso na may kaakibat na parusang hanggang 40 taon pagkakakulong.
“Copy furnished ang Comelec sa decision ng Ombudsman, so kailangan itong i-implement. Kung papayagang kumandidato ang mga dismissed from office at perpetually disqualified to hold public office, e magiging inutil na ang desisyon ng mga investigative body at graft courts natin,” ani Bote.
Bukod sa dating gobernador, sinampahan din ng kaparehong petisyon ang nasibak na vice mayor ng Cabanatuan City na si Emmanuel Anthony Umali na naghain ng kandidatura bilang bise gobernador ng probinsiya.
Hiniling ni Board Member Edward Thomas Joson na kandidato rin sa pagka-bise gobernador na ibasura ang COC ng nakababatang Umali dahil sinibak na ng Ombudsman noong 7 Marso 2018 at isinilbi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang dismissal bilang bise alkalde ng Cabanatuan City noong 22 Mayo 2018 dahil sa kasong katiwalian na may kaakibat na parusang perpetual disqualification from holding public office.
Bukod sa perpetual disqualification at accessory penalties tulad ng cancellation of eligibility at forfeiture of retirement benefits, hindi na rin puwedeng kumuha ng civil service examination si Umali kaya wala na siyang pag-asang makabalik sa panunungkulan sa gobyerno.
Sa magkahiwalay na petisyon ni Bote at Joson sa Comelec, malinaw anila ang mandato ng batas sa inamyendahang Sec. 7, Rule III ng Ombudsman Rule of Procedures sa ilalim ng Administrative Order No. 17 kung saan nakasaad na: “A decision of the Office of the Ombudsman in administrative cases shall be executed as a matter of course.”
Samakatuwid, dahil umano sa hatol ng Ombudsman na perpetual disqualification, ipinadedeklarang ‘ineligible’ ang magkapatid na Umali na tumakbo sa anomang posisyon sa gobyerno.
Bukod sa Umali brothers, tatlo pang kandidato sa ilalim ng Unang Sigaw Party ang ipinadedeklarang ‘ineligible’ at ipinade-deny ang kandidatura sa Comelec. Ito ay sina Ramon “Suka” Garcia (mayoralty candidate ng Cabanatuan City); Gabriel Calling (vice mayoralty candidate ng Cabanatuan City); at Imee de Guzman, mayoralty candidate sa bayan ng Sto. Domingo, Nueva Ecija.
Ang magkapatid na Umali, sina Garcia at Calling ay pare-parehong hinatulan ng Ombudsman ng dismissal at perpetual disqualification to hold public office dahil sa kasong ilegal na pagre-repack ng relief goods ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ginamit sa kanilang pangangampanya noong 2016 elections.
Si De Guzman na dating mayor ng bayan ng Sto. Domingo ay hinatulan ng dismissal na may kaakibat na perpetual disqualification ng Office of the Ombudsman noong 19 Hunyo 2018 dahil sa kasong grave misconduct.
Hinamon ng petitioners ang Comelec en banc na magdesisyon nang tama at ipatupad ang hatol na perpetual disqualification laban sa magkapatid na Umali at iba pang mga kumakandidatong hinatulan na ng Ombudsman.
HATAW News Team