SINABI ni Director General Oscar Albayalde, mapayapa sa pangkalahatan ang Traslacion na taon-taong ginaganap tuwing 9 Enero para sa kapistahan ng Poong Itim na Nazareno.
Maliban sa mga nasugatan at nasaktan, walang naitalang hindi kanais-nais na insidente ang mga pulis habang bumabaybay ang prusisyon mula Quirino Grandstand sa Luneta patungong Basilica Minor ni San Juan Bautista sa Quiapo, Maynila.
Tinatayang 800,000 hanggang isang milyong deboto ang lumahok sa tradisyon ng mga Katolikong — ang Traslacion na nagsimula sa Quirino Grandstand dakong 5:00 am.
Kabilang dito ang mga lumahok sa iba’t ibang kaganapang may kaugnayan sa Pista ng Itim na Nazareno tulad ng misa, prusisyon, at ‘pahalik.’
Dagdag ni Albayalde, 7,000 ang mga pulis at mahigit 2,000 ang mga sundalong itinalagang magbantay para sa seguridad ng Traslacion sa kabuuang ruta nito.
Walang natanggap na banta sa seguridad sa Kamaynilaan, hindi nagpabaya ang PNP at tiniyak ang kaligtasan ng pagdiriwang dahil sa ‘high threat level’ sa Mindanao.
Inaasahang mapaaaga nang mahigit isang oras kompara noong 2018 ang pagbabalik ng imahen ng Itim na Nazareno sa Simbahan ng Quiapo kung walang aberyang makahahadlang dito.
Naunang inihayag ng PNP na inaasahang aabutin ng 22 oras ang Traslacion.
Kaakibat ng mapayapang Traslacion ang pagpatay sa signal ng mga cellular network na karaniwang ginagamit ng mga terorista sa pagpapasabog ng bomba.
Lumobo sa 130,000 katao ang nasa paligid ng simbahan ng Quiapo sa ika-12 misa dakong 4:00 pm at inaasahang darami pa habang papalapit ang andas ng Poong Itim na Nazareno.
ni Karla Lorena G. Orozco