PASOK na sa winning circle si Senador Bam Aquino kasunod ng pagtatag ng rating niya sa 9 to 16 possible contenders sa 2019 elections.
Bagama’t kompiyansa si Sen. Bam na mapapabilang siya sa Magic 12, kailangan pa rin niyang kumayod nang husto dahil lumitaw sa pinakahuling Pulse Asia survey na makakadikit niya ang limang kandidato mula 9 hanggang 16.
“Natutuwa tayo sa pag-angat natin sa Pulse Asia Survey ngunit mahaba pa po ang laban,” ani Sen. Bam, na pumasok sa 10th- 16th sa survey na isinagawa nitong 14-21 Disyembre 2018 na may 32.6 porsiyento.
“Bagkus mabigat ang laban na ating susuungin, buo ang tiwala ko na ito’y kakayanin sa tulong at suporta ng taong-bayan,” dagdag ni Sen. Bam, na umangat ang percentage mula sa September ranking na 18 to 23 spots at may 20.1 porsiyento.
Sa pahayag, binigyang-diin ni Sen. Bam ang kahalagahan ng mga botante sa 2019 elections lalo na ang kakayahan nilang magsuri sa accomplishments at performance ng mga kandidato.
“Mahalaga po ang suporta at papel ng bawat botante, bawat volunteer, bawat supporter sa labang ito, sa pagiging mapanuri sa mga nagawa ng mga kandidato at sa pagkokombinsi sa iba pang naghahangad ng mga pagbabago sa ating liderato at lipunan,” punto ni Sen. Bam.
“Sa inyo pong tulong, maiaangat pa natin ang ating standing at sa gayon maipagpatuloy ang mahahalagang reporma sa edukasyon na kailangan ng ating bayan,” dagdag niya.
Nanawagan din ang mambabatas sa kanyang supporters na hikayatin ang kanilang mga mahal sa buhay na timbangin ang mga nagawa ng senatorial candidates na sasabak sa 2019 elections dahil nakasalalay dito ang kinabukasan ng bansa.
“Sa mga susunod pong mga linggo, kombinsihin natin ang ating mga minamahal sa buhay na suriin nang mabuti ang bawat isa sa amin na naghahangad ng puwesto sa Senado,” ani Sen. Bam.
Sa tala sa Kongreso, si Sen. Bam ay may 35 batas na nagawa sa kanyang unang termino bilang senador, kabilang ang landmark na free college law at ang Go Negosyo Act, na ngayon ay may tinatayang estabilisadong 1,000 Negosyo Centers sa iba’t ibang bahagi ng bansa.