SA kabila ng kampanya ng ilang grupong maging ‘zero-waste’ ang Traslacion ngayong taon, nag-iwan pa rin ang libo-libong deboto ng Itim na Poong Nazareno ng mga basura sa rutang dinaanan ng prusisyon.
Ayon kay Daniel Alejandre ng Ecowaste Coalition, tila bingi ang publiko sa kanilang pakiusap na magkaroon ng trash-less at zero-waste na Traslacion dahil sa walang habas na pagtatapon ng basura sa harap ng Quirino Grandstand.
Bundok-bundok na basura ang iniwan ng mga debotong nag-camp out sa Quirino Grandstand kabilang ang mga tinulugan nilang mga karton at plastik, pinagkainan, mga plastik na bote, at mga tsinelas.
Itinala ng EcoWaste Coalition na kasama sa mga iniwang basura ng mga deboto ang mga diaper at wipes, tirang pagkain at lalagyan nito, plastik na bote na may lamang ihi, cup noodles, sachet ng kape, upos ng sigarilyo, at iba pang mga plastik na produkto.
Dagdag ni Alejandre, walang takot magkalat ang mga deboto na kung tutuusin ay paglabag sa lokal at pambansang batas pangkalikasan na mas madalas winawalang-bahala kaysa ipatupad.
Ang pagtatapon ng basura, lalo pa tuwing may gawaing pangrelihiyon, ay hindi katanggap-tanggap. Ang debosyon, aniya, ay hindi dapat nagiging dahilan ng polusyon.
Naobserbahan din ng grupo ang parehong kalunos-lunos na kalagayan sa distrito ng Quiapo na natagpuan ng mga volunteer ang mga styrofoam na pinaglagyan ng mga pagkain na nakakalat sa mga kanto, tabing-kalsada, at iba pang lugar na pinagpahingahan at kinainan ang mga deboto.
Nagkaisa ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Metro Manila Development Authority (MMDA), lokal na pamahalaan ng Maynila, EcoWaste Coalition at mga miyembro ng mga grupong pangsibiko at pangrelihiyon na linisin ang iniwanan ng mga deboto ng Poong Itim na Nazareno.
Dala ang mga walis at pandakot, nagkaisa ang mga street sweeper sa pagtipon ng mga basurang iniwan ng mga debotong lumahok sa Traslacion.
Gumamit ng trak na may malalaking walis sa ilalim ang MMDA at local na pamahalaan ng Maynila upang mapabilis ang pagtatanggal ng mga kalat sa lansangan.
“Umaasa tayong katulad ng pagkalinga at respetong binibigay ng mga deboto sa Mahal na Itim na Nazareno ay maibigay din nila para sa iisang mundong ating tinitirhan,” malungkot na pahayag ni Alejandre.
Sa datos, nakalikom ang MMDA ng 385 toneladang basura noong Traslacion 2018 – 10% na mas marami kaysa nakolekta noong 2017.
Traslacion 2019: Payapa pero ‘umapaw’ sa basura
1,000 deboto, nasaktan 3 itinakbo sa ospital