WALO katao ang namatay sa magkakahiwalay na sunog na naganap sa Marikina, Valenzuela at Parañaque cities.
Sa sunog sa Marikina, patay ang isang pulis, asawa at dalawang paslit na anak makaraang madamay ang kanilang bahay sa nasusunog na burger stall sa Brgy. Sto. Niño, Marikina City, kahapon ng madaling araw.
Nabatid sa ulat ni F/Supt. Randolf Vides, Marikina City Fire chief, ang mga biktima ay kinilalang sina P03 Romar Sumait, 27 anyos, Rose Reyes Sumait, 27 anyos, Kaizer Lee Sumait, 6-anyos totoy, at Kenzie Faye Sumait, 3-anyos batang babae pawang nakatira sa Col. Divina St., Brgy., Sto. Niño ng nabanggit na lungsod.
Batay sa paunang ulat, dakong 2:47 am, nang unang sumiklab ang sunog sa Cherry’s Signature Burger, at mabilis na kumalat ang apoy kaya nadamay ang bahay ng mga biktima sa Col. Divino St.
Agad nagresponde ang mga tauhan ng rescue team at fire department sa lungsod at dakong 3:39 am nang ideklarang fireout ang sunog.
Sinabi ng imbestigador na posibleng mahimbing na natutulog ang pamilya nang mangyari ang sunog kaya’t huli na at ‘di na nagawang makaligtas ng mga biktima.
Maliban sa mga nasawi wala nang naiulat na nasaktan o nasugatan sa nabanggit na insidente.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga fire investigators sa tunay na pinagmulan ng sunog at tinataya ang kabuuang pinsala.
Samantala, tatlo ang patay sa isang sunog sa Barangay Moonwalk sa Parañaque City nitong Martes.
Ayon kay Insp. Mark Tuto, hepe ng investigation section ng Parañaque Bureau of Fire Protection, sumiklab ang sunog sa St. Mary’s extension sa Daang Batang St., dakong 2:45 ng hapon.
Nagsimula umano ang sunog sa bahay ng 52-anyos na si Kristina Miranda sa hindi pa malamang dahilan.
Namatay si Miranda sa matinding pinsala sa ulo dahil sa stampede bagama’t nadala pa siya sa Ospital ng Parañaque.
Kumalat ang sunog sa 50 kabahayan, ikinamatay ng dalawa pang biktima na sina Maria Jocelle Maglakas, 26, at Eden Marie Cubian, 29.
Nasa 120 residente ang nawalan ng bahay.
Tinatayang P500,000 ang halaga ng pinsala sa sunog.
ni Edwin Moreno