Bago mag-6:00 pm, umabot sa 1,070 katao ang nangailangan ng atensiyong medikal sa gitna ng Traslacion 2019 nitong Miyerkoles, 9 Enero.
Sa ulat ng Philippine Red Cross, 10:00 am pa lang ay 578 deboto ang nilapatan nila ng pang-unang lunas.
Ayon sa Red Cross, 25 ang klasipikadong ‘major case’ na tatlo ang dinala sa ospital kabilang ang isang senior citizen na nasa kritikal na kondisyon nang siya ay matapakan ng iba pang mga deboto sa gitna ng prusisyon.
Pagkahilo, hirap sa paghinga, pamamaga ng paa, pagdugo ng ilong, pagkatusok ng matutulis na bagay, hypoglycemia, at pamamaga ng paa ang karaniwang dahilan ng pangangailangan ng pang-unang lunas.
Kasama sa mga nasaktan ang isang debotong nahulog sa andas matapos tangkaing hawakan ang mapaghimalang imahen ng Poong Itim na Nazareno.
Nagtalaga ang Philippine Red Cross ng 1,000 volunteer, 12 estasyon para sa pang-unang lunas sa kahabaan ng ruta ng Traslacion, 50 ambulansiya , 1 emergency medical unit, 1 rescue truck, at iba pang pasilidad at kagamitang pangmedikal.
Inalerto ng Department of Health ang lahat ng ospital na manatiling nasa “Code White” upang masegurong handa ang lahat sa pagtugon sa mga emergency case.
Nagtalaga ang Philippine Coast Guard ng 31 floating assets sa paligid ng Quirino Grandstand at sa Ilog Pasig kasama na ang medical personnel sakay ng mga rubber boat na nakaabang sa Jones Bridge na nagdudugtong sa Ermita at Binondo.
Traslacion 2019: Payapa pero ‘umapaw’ sa basura
Basura ‘umapaw’ sa Traslacion ‘zero-waste’ campaign wa-epek sa deboto