ISINAILALIM ng lokal na pamahalaan nitong Miyerkoles, 1 Enero na nasa ‘state of calamity’ ang Oriental Mindoro matapos kitilin ang buhay ng tatlong katao at mga alagang hayop at sirain ang mga pananim at mga kabahayan ng flash flood noong 30 Disyembre 2018.
Base sa naunang ulat mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ng Mindoro Oriental, sanhi ng malawakang pagbaha sa lalawigan ang pag-apaw ng mga ilog Panggalaan at Bucayao sa siyudad ng Calapan at ilog Malapad at Longos sa Baco.
Kabilang sa tatlong biktimang namatay sina Eden Rubion, 19, mula sa bayan ng Bansud; Rico Maestro, 59, mula sa bayan ng Baco; at Mark Hernandez, 13, mula sa lungsod ng Calapan.
Samantala, nauna nang idineklara ang state of calamity sa mga lalawigan ng Sorsogon, Camarines Sur, Camarines Norte, at Albay sa pagkamatay nang higit 60 katao sa Bicol region dahil sa landslide at flash flood dulot ng bagyong Usman.
Mahigit P77 milyon ang tinatayang halaga ng nasalantangmga sakahan at palaisdaan ayon kay Gob. Alfonso Umali.
Nauna nang nagdeklara ng state of calamity ang pamahalaang panlalawigan ng Oriental Mindoro sa mga bayan ng Baco, Naujan, Socorro, Pola, Pinamalayan, Bansud, Bongabong at lungsod ng Calapan.
Nakaranas din ng matinding pagbaha ang Puerto Galera sanhi ng malakas na pag-ulan sa huling tatlong araw.
Umabot nang P788 milyon ang halaga ng nasirang mga kalsada at impraestruktura gaya ng ilang mga dike at flood control sa mga bayan ng Pinamalayan, Gloria, Victoria, Bansud, Naujan, at lungsod ng Calapan City.
Ayon kay Umali, naglabas na sila ng 250 kaban ng bigas bilang bahagi ng mga relief pack na ipinamamahagi sa mga apektadong pamilya.
Mamamahagi rin ang Department of Health (DOH) ng mga water-sanitizing reagents sa mga apektadong komunidad upang maiwasan ang pagtatae na dulot ng pag-inom ng kontamidong tubig.
Muli nang nakuwi sa kanilang mga bahay ang mga lumikas na residente nitong Miyerkoles ngunit ayon sa Gobernador, may mga lugar pa rin na hindi humuhupa ang baha.
(KARLA LORENA G. OROZCO)