KALABOSO ang 77-anyos retiradong engineer makaraang pagbabarilin at mapatay ang dalawang kapatid na abogado at engineer saka sinilaban sa loob ng kanilang bahay habang kumakain ng almusal kamakalawa ng umaga sa Marikina City.
Sa ulat na tinanggap ni EPD director Chief Supt. Bernabe Balba, kinilala ang dalawang biktima na sina Felicito Soriano, 72-anyos, binata, negosyante; at Enrico Castro, 60-anyos, abogado, kapwa nakatira sa Peru St., Greenheights Subd., Brgy. Concepcion sa lungsod.
Inaresto ng awtoridad ang kapatid na suspek na si Nilo Soriano, retired maintenance engineer at residente rin sa nabanggit na lugar.
Nabatid sa pulisya, nag-aalmusal ang magkakapatid dakong 8:30 ng umaga nang magbanta na papatayin ng suspek ang dalawa pang kapatid habang nagtatalo tungkol sa ownership ng kanilang bahay.
Hanggang bumunot ng baril si Nilo at pinagbabaril ang mga kapatid na ikinasawi ng dalawa. Hindi pa umano nasiyahan, binuhusan pa nang isang galon na gas ang bangkay ng dalawang kapatid at saka sinilaban sa loob ng bahay.
Nauna rito, tinangkang awatin ng kasambahay na si Wilfreda Regonas, 47 anyos, ang suspek ngunit binantaan siya nito at sinabing huwag makialam sa away pamilya at pilit na pinalabas ng bahay.
Nasaksihan ni Regonas ang pangyayari kaya’t agad na humingi ng saklolo sa pulisya at bombero na ikinadakip ng suspek dakong 10:35 ng gabi na sinabing may 3rd degree burn sa buong katawan kaya kinailangan dalhin sa Amang Rodriguez Medical Center nang maapula ang sunog.
Nakuha sa crime scene ang isang compact handgun at isang magazine na wala nang bala.
Kasong double parricide ang kinakaharap ng suspek na ngayon ay hawak na ng mga awtoridad.
ni EDWIN MORENO