DAVAO CITY – Arestado sa mga pulis ang anim drug suspect sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa siyudad mula Linggo ng hapon hanggang Lunes ng umaga.
Unang inaresto noong Linggo ang tricycle driver na si Kenneth Sumalinog na nabilhan umano ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa mismong bahay niya sa Matina Gravahan.
Naaktohan din umanong gumagamit ng ilegal na droga sa bahay ni Sumalinog sina Norbelt Gregore at Marco Briones Santos, pawang mga tricycle driver, na inaresto ng mga awtoridad.
Aminado ang tatlong suspek na gumagamit sila ng ipinagbabawal na gamot ngunit itinanggi nilang nagbebenta sila ng ilegal na droga.
Kinagabihan, inaresto ng pulisya si Ansbert Recta, trabahante sa isang sagingan, makaraang mabilhan umano ng mga operatiba ng shabu sa Bunawan.
Bukod sa naibentang droga, may nakuha rin umanong isa pang sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na tatlong gramo at tinatayang P20,000 ang halaga. Madaling araw noong Lunes, inaresto sina Dennis Tagadas Labuendia at Kenneth Dilad nang mabilhan umano ng isang sachet ng shabu at makuhaan ng halos 20 sachet nito.
Tinatayang aabot sa P15,000 ang halaga ng shabu na nakuha mula sa dalawa.
Itinanggi ng mga suspek ang mga akusasyon sa kanila. Ang mga naaresto ay kinasuhan ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.