KUNG ngayon gagawin ang halalan para sa Senado, tiyak na si Sen. Grace Poe ang magiging topnotcher base sa resulta ng mga survey ng Issues and Advocacy Center (The Center) nitong 12-18 Nobyembre 2018 at Radio Mindanao Network (RMN) 2019 Election Survey nitong 7-17 Nobyembre 2018.
Nanguna si Poe sa Pulso ng Pilipino pre-poll senatorial survey ng The Center sa pagkuha ng 61 percent (%) sa tinanong na 1, 200 katao samantala nakopo ng senadora ang RMN survey sa tinanong na 3,382 katao na tinasa ng prestihiyosong Publicus Asia Inc. na pag-aari ng kilalang political analyst na si Malou Tiquia.
Nagpasalamat si Poe sa pangunguna sa RMN survey sa natamong 72 % lalo’t marami sa mga tinanong ay tagapakinig mula sa Visayas at Mindanao.
“Malakas talaga si Grace Poe sa Mindanao, alam naman natin lahat iyan,” ayon sa isang insider sa RMN.
“Nang maglaban nga sila ni Presidente Duterte noong 2016 si Grace Poe ang nag-No. 1 sa Mindanao.”
Sinabi naman ng political operator na si Perry Callanta, malinaw na gumagana pa rin ang “FPJ Magic” kay Poe kaya laging nangunguna sa mga survey.
“Malaki ang nagawa ng mahika ng yumaong ama ni Sen. Grace Poe na si FPJ kaya lagi siyang No. 1 sa mga survey,” ani Callanta.
“Kitang-kita rin ito dahil sa top rated na ‘Probinsiyano’ sa ABS-CBN ay panglima si Lito Lapid sa survey ng RMN at pang-anim sa survey ng The Center. Malaki ang nagawa ng papel ni Lapid sa ‘Probinsiyano’ kaya umangat siya sa surveys.”
Sa RMN survey, pumangalawa si Pia Cayetano (62%), pangatlo si Sen. Cynthia Villar (55%), pang-apat si Sen. Nancy Binay (52%) na sinundan ni Lapid sa nakuhang 47%.
Pang-anim si Sen. Sonny Angara sa (42%) nasa No. 7 spot si dating Philippine National chief Roland “Bato” Dela Rosa sa (41%) at No. 8 si dating senador Serge Osmeña (41%).
Nasa No. 9 spot si Sen. Bam Aquino, No. 10 si Sen. JV Ejercito at No. 11 si dating senador Jinggoy Estrada na pawang nakakuha ng 40% sa mga boto.
Pang-12 naman si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos kapantay si Sen. Aquilino Pimentel III sa natamong 37%.