DAPAT sibakin din ni Pangulong Duterte ang pinuno ng National Housing Authority (NHA) matapos masisante ang isang mataas na housing official noong isang linggo, hiling ng grupo ng executives ng ahensiya at miyembro ng employees union kahapon.
Ayon sa mga opisyal ng Consolidated Union of Employees ng NHA, ‘kabaro’ ni general mana-ger Marcelino Escalada ang nasibak na si Housing and Urban Development Coordinating Council secretary general Falconi Millar na sinabing sangkot sa, “activities that are greatly disadvantageous to the government.”
Pinatalsik ni Duterte si Millar sa HUDCC dahil sa umano’y katiwalian.
“The logical consequence of the dismissal of Secretary General Millar from HUDCC should be the sacking of NHA general manager Escalada,” pahayag ng concerned CUE officers.
“They belong to the same cabal in the housing agency whose activities are detrimental to the interests of the housing sector and greatly disadvantageous to the government, “ dagdag ng unyon.
Nabanggit ng mga opisyal ang sinasabing ”crafty shepherding” ni Millar at Escalada ng panukalang pagbabayad ng P1.1 bilyon sa isang debeloper ng palpak na reclamation at housing project kahit sobra-sobra ang ibinayad ng gobyerno sa kompanya nito.
Ang kabayaran ay para sa pag-areglo ng kaso na nag-ugat sa pagkansela ng Smokey Mountain reclamation and development project sa Tondo, Maynila na sinimulan noong 1993.
Sinabi ng grupo na iniligaw at inimpluwensiyahan nina Millar at Escalada ang NHA governing board upang aprobahan ang hinihingi ng developer.
“They set aside the findings and recommendations of the technical working group created specifically for the purpose of evaluating the claims of payment of the developer,” pahayag ng grupo.
Inirekomenda ng TWG, bukod sa iba pa, na hintayin ng NHA ang court decision sa mga kaso bago simulan ang anomang pag-uusap sa ukol sa posibleng compromise settlement.
Naipakita rin ang accounting records sa NHA management na sobra ang kabayaran ng gobyerno sa developer na umaabot sa P300 milyon.
Nagbabala ang Office of the Government Corporate Counsel laban sa posibleng katiwalian sa pagbabayad sa debeloper dahil umano sa ‘inconsistencies.’
Sa isang liham kay Escalda noong isang buwan, sinabi ni OGCC chief Elpidio Vega, nakapagtataka kung bakit kailangan pang magbayad ang gobyerno sa debeloper ng P1,122,414,969 para sa areglo gayong may mga dokumento na nagsasabing sobra nang P300 milyon ang naibayad ng una sa huli.
Kinakatawan ng OGCC ang housing agency sa mga kaso na nakabinbin sa Court of Appeals.
“NHA’s Accounting Department reviewed the financial claims of (developer) and presented to the NHA Board its findings that (developer) had, in fact, been overpaid by around P300 million,” ani Vega kay Escalada sa kanyang liham.
Ngunit dinedma ni Escalada ang impormasyon na itinago pala sa kaalaman ng NHA board.
Noong Hunyo, sinabing si Millar ang nagpahintulot sa debeloper upang ipresenta ang settlement terms sa board na nag-isyu ng resolusyon noong Hulyo na nagbibigay kapangyarihan kay Escalada upang makipag-usap sa debeloper ukol sa compromise settlement.
Binago ng NHA board ang settlement terms sa isa pang board resolution noong 3 Oktubre na limang lupain sa NHA sa Vitas, Tondo pa ang idinagdag sa kabayaran.
Ang mga lupain ay sakop ng sale contract sa pagitan ng NHA at isa pang pribadong kompanya noong Pebrero. Nabayaran na ang NHA nang mahigit P200 milyon sa panahon ng dating administrasyon. Ang balance na mahigit P800 milyon ay nakadeposito ‘in escrow’ para sa gobyerno.
Ngunit tinuligsa ng concerned officials ang pagtanggi ni Escalada sa kabayaran ng natitirang utang para sa mga lupain habang ipinipilit na isama ang mga nasabing lupain sa pakikipag-areglo sa debeloper.
HATAW News Team