SINAMPAHAN ng nine counts of cyberlibel ni Kris Aquino ang abogadong si Jesus Falcis, kapatid ng dati niyang business partner na si Nicko Falcis na idinemanda naman niya ng qualified theft.
Ang demanda ay nag-ugat sa mga malilisyosong post ni Falcis sa kanyang Instagram at Twitter accounts laban kay Kris na may koneksiyon sa mga kasong kinasasangkutan ng kanyang kapatid.
Sa formal complaint na isinampa ng Social Media Queen sa Department of Justice kahapon ng hapon, inireklamo nito ang abogado at sinabing “offensive” at “humiliating” ang mga ipinost nito sa social media patungkol sa kanya.
“While I am a well-known celebrity, respondent does not have the unbridled license to malign my honor and dignity by indiscriminately posting malicious statements against me,” ani Kris.
Nine counts ng cyberlibel ang isinampa ni Kris dahil sa siyam na social media post ni Falcis laban sa kanya simula noong Nov. 14.
Sa mga post ni Atty. Falcis, tinawag niya ang ina nina Joshua at Bimby ng “liar,” “spoiled oligarch brat,” “sinungaling,” “pa victim” and “someone who always longs for a man’s attention.”
Hindi rin daw pinatawad ng abogado ang pagkakaroon ni Kris ng “urticaria-prone skin,” na resulta ng kanyang medical condition na may kinalaman sa kanyang allergies.
May post din ang abogado na idinamay ang mga yumaong magulang ni Kris.
Sambit pa ni Kris, hindi pwedeng gamitin ni Falcis ang “freedom of speech and the press” bilang defense, “If the utterances are false, malicious or irrelevant to matters of public interest involving public figures, the same may give rise to criminal and civil liability.”
(MVN)