KLARO ang posisyon ni Senate President Vicente Sotto II sa desisyon ng Korte Suprema na kumakatig sa Commission on Higher Education na tanggalin ang Filipino at Panitikan sa mga core subject na dapat ituro sa tertiary level o kolehiyo.
Sabi ni Tito Sen, ito ay unconstitutional at maaaring ikapahamak ng mga susunod na henerasyon sa pag-unawa ng sariling wika.
Aniya, malinaw na nakasaad sa Konstitusyon (1973 at 1987) na ang wikang Filipino ay wikang Pambansa at wika ng edukasyon ng Filipinas; at dapat na gamiting wikang panturo ang wikang Filipino at opsiyonal ang paggamit ng wikang Ingles sa pagtuturo.
Nanindigan din ang Senate President na ang wikang Filipino ay bahagi ng ating pagkakakilanlan bilang mamamayan kaya nga mas kailangan natin itong ipreserba, palakasin at pangalagaan sa lahat ng panahon.
Hindi natin maintindihan kung bakit pati ang ating pambansang wika ay napagdidiskitahan ng mismong institusyon na dapat ay kasama sa nagtataguyod nito.
Sa totoo lang, sa panahon ngayon, ang daming kabataan ang nagsasalita ng Filipino pero hindi nauunawaan ang pinagmulan nito.
Maraming kabataan ag nagpapakabihasa sa wikang banyaga pero nagiging mangmang sa sariling wika.
Hindi masamang matuto tayo ng ibang wika pero kataksilan sa sariling lahi at pagiging makabansa ang pagbabalewala sa sariling wika.
Iba’t ibang organisasyon at institusyon na ang nanindigan tungkol sa isyung ito, sana lang ay huwag matapos sa pormulasyon ng mga salita ang paninindigan.
Sana’y magkaroon ito ng katuparan sa pamamagitan ng isang malawak at nagkakaisang kilos para igiit na hindi dapat tanggalin ang Filipino at Panitikan bilang core subjects sa kolehiyo.
Sana’y magsimula ito sa isang institusyon na gaya ng Senado na may kapangyarihang tapatan ang desisyon ng Korte Suprema.
Suportado ka namin diyan, Tito Sen!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap