KASING bagsik siguro ng pulbura ang ‘tama’ ng plakang otso kaya ang mga nagkakaroon nito ay tumatapang.
Kasabihan ng mga abuelo at tatay noong araw, kapag dudungo-dungo ang anak na lalaki paamuyin daw ng pulbura o kaya ay pakagatin sa talim ng kutsilyo o gulok, tiyak raw na liliyad ang dibdib.
Ganyan din kaya ang epekto ng plakang otso?
Hindi lang iilang beses nasangkot sa eskandalo ang mga nagmamaneho o sakay ng mga sasakyang may plakang otso.
Ang pinakahuling insidente, ang pinag-uusapan ngayong road rager na FJ Cruiser na may plakang otso.
Hindi lang isang beses kundi dalawang beses nang naispatan at nag-viral pa ang video sa social media (socmed).
Mismong ang pamunuan ng Kamara ay nanawagan sa Philippine National Police (PNP) at Land Transportation Office (LTO) para ‘tugisin’ ang driver o ang nagmamay-ari ng FJ Cruiser na may plakang otso.
Alam naman nating lahat na ang plakang otso ay designated sa mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
At hanep sa kayabangan ang nagmamaneho ng FJ Cruiser dahil ipinagsigawan pang anak siya ng congressman.
Pero itinanggi na ni Pampanga Rep. Carmelo Lazatin na siya ang namamay-ari ng nasabing FJ Cruiser. Ang plaka umano sa nasabing sasakyan ay inisyu noong 16th Congress, ngayong 17th Congress ay hindi nag-isyu ang Kamara ng plakang otso.
Kung hindi man tunay na kongresman ang may-ari niyang sasakyan na ‘yan na may plakang otso, e sino pala?!
Aba e, bilis-bilisan ng PNP at LTO ang pagtugis sa sasakyang ‘yan kasi baka bukas makalawa naunahan na sila ng mga carnapper at chop-chop na ang ‘ebidensiya’ lalo kapag natukoy na kung sino ang driver o may-ari ng FJ Cruiser.
Palagay naman natin kung dalawang ahensiya na (PNP at LTO) ang maghahanap sa abusadong FJ Cruiser na nakaplaka ng otso, e madali na nilang matatagpuan ‘yan.
Kung sakaling matukoy na kung sino ‘yang maangas at abusadong FJ Cruiser na may plakang otso, tingnan natin kung gaano katapang ‘yan kapag nakakita ng pulburang nakabasyo.
Tuldukan na sana ng PNP at LTO ang hulaan kung sino ang may-ari ng FJ Cruiser na ‘yan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap