MAGIGING masigla muli ang pagdiriwang ng Kapaskuhan sa pagbabalik ng isang nakasanayan ng kasa-kasama tuwing Pasko. Ito ‘yung Christmas On Display o mas kilala bilang Manila C.O.D..
Ibabalik ng Araneta Center ang COD na nagpa-wow sa mga kabataan at matatanda noon. Na tiyak na kagigiliwan din ng mga millennial ngayon dahil sa kanilang animatronics display na makikita sa Times Square Food Park, Araneta Center.
Ang moving Christmas display ay likha ni Mr Alex Rosario, Sr., at ayon sa anak nitong si Rey Rosario, CEO at president ng Rosario Animated Display, tiyak na masisiyahan ang kanyang ama sa pagbabalik ng COD sa dati nitong tahanan.
Kaya naman ang tema nitong Christmas Comes Home ay akmang-akma.
“Masaya ako na naibalik na rito sa Araneta Center ang Christmas on Display. It’s a very nice feeling. It has always been home to us,” anang batang Rosario.
Ilulunsad ang COD sa Nov. 23 sa bagong tahanan nito sa Araneta Center, ang Times Square Food Park, na malapit sa Times Square at Gen. Roxas Avenues, ilang hakbang lang mula sa rati nitong tahanan. Ang food park, simula pa noong 2017, ay ang kinalalagyan naman ng iconic 100-foot giant Christmas tree na magkakaroon ng annual Giant Christmas Tree Lighting.
“Araneta Center is really a destination for people from all walks of life celebrating Christmas in this part of Metro Manila. We have lots of activities and surprises to thrill our customers, starting of course with our iconic giant Christmas tree,” sambit naman ni Antonio T. Mardo, Araneta Center’s Senior Vice President for Operations.
Ang annual tree lighting ay gagawin sa Nov. 16 na dadaluhan ng mga naglalakihang celebrities.
Mapapanood ang COD ng libre sa loob ng food park para mas maging masaya ang pami-pamilyang magtutungo roon. Mapapanood ito simula Nov. 23 ng 6:00 p.m. hanggang January 6. Bawat show ay tatagal ng 20 minutes with 15-minute intervals.