TINIYAK ng Palasyo na kakasuhan ang mga responsableng personalidad sa palpak na anti-dengue vaccine program bago matapos ang kasalukuyang buwan.
“Appropriate charges will be lodged and pursued against government officials and private individuals found responsible by the DOJ for this failed health program for children,” ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Tinututukan aniya ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng panawagan para sa hustisya ng mga pamilya ng mga batang namatay makaraan umanong bakunahan ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia.
“He (Duterte) hears all the calls for justice of families of children whose deaths are reportedly caused by the said vaccine,” ani Panelo.
Inihayag kamakalawa ng Public Attorney’s Office (PAO) na ikinokonsidera ang pagsasampa ng kasong murder laban kina dating Pangulong Benigno Aquino III, dating Budget Secretary Florencio Abad at dating Health Secretary Janette Garin dahil sa pagkamatay ng mga batang naturukan ng Dengvaxia.
Matatandaan, sinuspende ang implementasyon ng anti-dengue vaccine makaraan ihayag ng French pharmaceutical company Sanofi Pasteur, manufacturer ng Dengvaxia, noong Nobyembre 2017, na mapanganib na iturok ang naturang anti-dengue vaccine sa mga taong walang history ng dengue.
(ROSE NOVENARIO)