APAT na koponan ang unang sasalang ngayon sa pagsisimula ng umaatikabong 2018 PBA Governors’ Cup quarterfinals sa Smart Araneta Coliseum.
Uumpisahan ng numero unong Barangay Ginebra ang hangad nitong ikatlong sunod na kampeonato kontra sa ikawalong NLEX sa 7:00 ng gabi habang sasagupa naman ang ikaapat na Magnolia kontra sa ikalimang Blackwater sa unang laro sa 4:30 ng hapon.
Dahil nasa top four, tutungo sa duwelo ang Gin Kings at Hotshots na may twice-to-beat na bentaha kaya’t isang panalo lamang ang kailangan upang makaabante sa best-of-five semi-finals ng season-ending conference.
Parehong advantage din ang hawak ng segundang Phoenix kontra sa ikapitong Meralco gayondin ang ikatlong Alaska kontra sa ikaanim na San Miguel sa sagupaan nilang magsisimula sa Miyerkoles.
Bilang kampeon ng Governors’ Cup sa nakalipas na dalawang taon, siguradong asinta ng lahat ang Gin Kings.
Aminado si head coach Tim Cone dito lalo’t sila pa ang naging top seed ng eliminasyon hawak ang 9-2 kartada.
Ayon kay Cone, hindi magiging madali ang kanilang daan tungo sa matagumpay na pagdepensa ng titulo.
“The real hard work starts now. We know there’s no easy way to get through the playoffs. It’s always a tough route no matter who you’re playing,” ani Cone na naghahanda rin sa inaasahang klasikong duwelo nila ni head coach Yeng Guiao.
Gigiyahan ni Justin Brownlee ang misyon ng Gin Kings kasama sina LA Tenorio, Japeth Aguilar, Scottie Thompson at Jeff Chan.
Inaasahan din na magiging malaking tulong sina Art Dela Cruz, Sol Mercado at Greg Slaughter na unti-unting nang bumabalik sa todong kondisyon mula sa kanilang injuries sa buong conference.
Samantala, hindi yuyukod nang ganoon na lang ang Road Warriors lalo’t hangarin nila ang makapuwersa ng do-or-die match upang mapanatiling buhay ang semis bid.
Mangunguna para sa NLEX sina import Aaron Fuller, Larry Fonacier, Mac Tallo, Alex Mallari, Cyrus Baguio at JR Quinahan.
ni John Bryan Ulanday