NANGAKO si Pasig River Rehabilitation Commission (PRRC) Executive Director Jose Antonio “Ka Pepeton” E. Goitia na ipagpapatuloy niya ang pagbuhay sa 27 kilometrong Ilog Pasig matapos nitong talunin ang Yangtze River ng China sa kauna-unahang 2018 Asia Riverprize.
Ipinarating ni Goitia ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa mga opisyal ng International River Foundation, Australian River Partnership, committee organizers, mga hurado at sa lahat ng mga taong kabilang sa pagpili sa Filipinas upang tanggapin ang prestihiyosong Riverprize award.
“Makaaasa kayo na kaagapay ninyo ang buong PRRC sa pagliligtas sa mundo, one river at a time,” masayang sinabi ni Goitia. ”Nagpapasalamat ako kay Pangulong Rodrigo Duterte sa ayuda sa PRRC. Nakatutuwang isipin na binuhay ng PRRC ang biologically dead na ilog noong 1990s.”
Ipinarating din ni Goitia ang kanyang pagbati sa lahat ng mga nagwagi at iba pang finalists dulot ng mahalaga nilang tungkuling tinupad at mga isasakatuparan pang hakbangin para sa magandang kinabukasan ng mga ilog sa buong mundo.
“Nais ko rin pasalamatan ang aking mga staff at mga katuwang mula sa national at local government, non-government organizations at sa private sector,” diin ni Goitia. “Hindi natin ito makakamit kung hindi dahil sa walang humpay ninyong suporta sa lahat ng aming pagkilos tungo sa rehabilitasyon ng Ilog Pasig.”
Bago nakamit ang nasabing prestihiyong karangalan, masusi munang inaaral at sinasaliksik ng IRF ang mga magwawaging kalahok na may sadyang kakaibang epektibong restorasyon ng mga river basin.
Dati nang idineklarang biologically dead ang Ilog Pasig noong dekada 90 sanhi ng talamak na polusyong nagmumula sa lumalaking populasyon at pag-unlad ng mga industriya sa tabing ilog nito. Gayonman, naipanumbalik ng PRRC ang sigla at buhay ng Ilog Pasig makalipas ang masikap na restorasyon at rehabilitasyon.
Labis na hinangaan ng IRF ang pagkilos ng PRRC upang mailikas ang may 18,719 pamilyang naninirahan sa tabing ilog patungo sa higit na disenteng pabahay mula sa programa ng nasyonal na pamahalaan.
Umabot sa 376 estruktura ang giniba ng ahensiya upang mabawi ang nakatakdang easement sa magkabilang baybayin ng Ilog Pasig gayondin ang pagsasagawa ng kabuuang 37,471.68 linear meters ng environmental preservation areas, pagpapaunlad sa 17 kabuuang 47 tributaryo at nalinis ang halos 22 milyong kilo ng solid waste para mapaganda ang komunidad at maging responsable sa kalikasan ang mga mamamayang naninirahan doon.
Sa pagkakapanalo sa 2018 Asia Riverprize, tatanggapin ng Ilog Pasig ang malawakang pagkilala ng daigdig na magbubunga naman ng mga bagong oportunidad at partnership para sa pagpapalitan ng kaalaman at epektibong pagkilos at magbubukas ng panibagong landas upang makamit ang international support.
Awtomatiko ring makapapasok ang Filipinas sa Stage 2 ng Thiess International Riverprize sa darating na 2019.
Noong nakaraang taon, runner-up ang Ilog Pasig sa San Antonio River ng Texas sa Thiess International Riverprize contest kahit tayo ang natatanging Third World at developing country na napabilang sa finals.