NAGTATAKA tayo kung bakit mukhang full-force at full-effort ang ilang grupo sa ilalim ng Duterte administration na ‘ilugmok’ si Senator Antonio “Sonny” Trillanes IV.
Bakit si Trillanes ang pinagkakaabalahang sugpuin, hindi ang kahirapan, katiwalian sa loob ng pamahalaan, at iba pang ilegal na gawain gaya ng pagmamantina ng pinakamalaking illegal terminal sa Maynila, proteksiyon sa pasugalan at KTV bar, at iba pang anyo ng kriminalidad na larawan ng kabulukan sa isang lipunan?!
Mantakin ninyo, korte na nga ang nagsasabi mismo na walang rason para dakpin si Trillanes pero nandiyan pa rin ang mga humihirit na ipakulong si Senador.
Nagtataka rin tayo kung bakit nagtatagumpay ang mga ‘urot’ sa Duterte administration na lagyan siya ng ‘tapa de ojo’ para patulan niya ang sulsol-urot kontra Trillanes gayong marami pang mas mabibigat na suliranin ang bansa.
Ang masaklap pa niyan, baka ‘yang mga sulsol-urot na ‘yan ay sila ‘yung mga dating ‘himod-sipsip’ kay Trillanes.
‘Yun bang kulang na lang ay ipagawa ng rebulto si Trillanes noon sa kapupuri araw-araw.
Kaya ang tanong lang natin simpleng-simple, kapag nakulong ba si Trillanes ay masosolusyonan na ang inflation? Mawawala na ba ang kahirapan at maglalahong kusa ang mga magnanakaw sa gobyerno?!
Kapag nakulong ba si Trillanes ay mamamatay na ang ‘industriya’ ng ilegal na droga sa bansa?! Matitigil na ba ang smuggling at hoarding ng bigas?
Makukulong rin ba ang mga awtoridad na sangkot sa ilegal na droga?
Babalik na ba sa dati ang presyo ng sili?!
Makikinabang na ba nang husto sa buwis ng taxpayers ang sambayanan? Bababa ba ang presyo ng petrolyo?
Magiging libre na ba nang tuluyan ang pag-aaral sa kolehiyo. Malulusaw na ba ang K-12 program sa ilalim ng Department of Education (DepEd) na sa dami ng paperworks ay kayraming teachers na ang nagpapakamatay?!
Ilan lang ‘yan sa mga simpleng tanong na alam nating itinatanong din ng mga mamamayan.
Ngayon, sa patuloy na panggigigil ng mga urot a Duterte administration kay Trillanes, tatahimik na ba ang ating bansa?!
‘Yun lang!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com
BULABUGIN
ni Jerry Yap