INIUTOS ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Philippine National Police (PNP) chief, Director General Oscar Albayalde ang pag-aresto sa isang dating Customs intelligence officer na sabit sa pagpuslit ng illegal drugs sa bansa.
Sa kanyang talumpati sa Palasyo kahapon, sinabi ng Pangulo, si Jimmy Guban, dating Customs intelligence officer, ang namemeke ng ID para makapasok sa bansa ang illegal drugs.
Sinabi ng Pangulo kay Albayalde na dalhin si Guban sa National Bureau of Investigation (NBI) para ikulong.
Napanood ng Pangulo sa telebisyon ang imbestigasyon ng Kongreso kahapon sa pagkawala ng P6.8-B shabu sa magnetic lifters sa bodega sa Cavite.
Nauna rito, may natanggap na ulat si Pangulong Duterte hinggil sa papel ni Guban sa pagpuslit ng illegal drugs sa Aduana.
Matatandaan, sa House hearing noong Setyembre ay inamin ni Guban na siya ang naghanap ng consignee para makapasok sa bansa ang apat magnetic lifters.
ni ROSE NOVENARIO